Isa pang motorcycle taxi rider ang nasawi matapos na holdapin at barilin ng kaniyang pasahero na galing sa Maynila at nagpahatid sa Cavite. Nitong Martes, isang motorcycle taxi rider din ang nasawi sa saksak mula sa pasahero niyang tumangay sa kaniyang motorsiklo sa Caloocan.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Ren Ren De Laviga, 35-anyos, na natagpuang nakahandusay sa daan sa Carmona, Cavite.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nag-booked ang salarin kay De Laviga noong July 9 sa Maynila para magpahatid sa Carmona, Cavite.
Unang natanggap na impormasyon ng pulisya na biktima ng hit-and-run incident si De Laviga.
“No one confirmed o anumang reported na may narinig na putok. The area, Ma'am, is medyo malayo sa mga kabahayan… while na -process po iyong crime scene, mayroon pong nakitang basyo ng bala at bala na hindi pa pumutok,” ayon kay Carmona Component City Police Station chief Police Lt. Col. Rene Joy Mosquiza.
Ayon sa kapatid ng biktima, natagpuan na niyang wala nang buhay ang kaniyang kapatid at may tama ng bala sa ulo.
Sinabi rin ng pulisya na natunton sa Trece Martires, Cavite ang motorsiklo ng biktima, kung saan nasangkot din umano ang suspek sa isa pang insidente ng pamamaril.
“Mayroong pong naiwan na motorcycle doon sa Trece [Martires], at na-confirm ng family na iyon ay motor ng victim dito sa sa Carmona. Iyong suspek ay binaril niya doon sa Trece… at inagaw din iyong motor. Parang ang nangyari ipinalit iyong motor na nakuha niya sa Carmona doon sa motor na nandoon sa Trece,” paliwanag ni Mosquiza.
Ikinuwento ng biyuda ng biktima na nakapagpalitan pa sila ng mensahe ng kaniyang asawa bago ito bumiyahe papuntang Carmona.
Ngunit pasado 12:00 ng madaling araw, nakatanggap pa siya ng mga mensahe mula sa cellphone ng kaniyang asawa pero ang suspek na pala ang gumagamit nito.
Ginamit umano ng suspek ang cellphone at e-wallet account ng biktima upang humingi ng pera sa kaniya.
Nagkunwari pa umano ang suspek na kaniyang asawa ang kausap niya at sinabing nakasagi ito ng motorsiklo sa Naic, Cavite at nanghihingi ng pera. Ngunit naghinala na siya kalaunan.
“Nasa barangay daw po kasi siya. Tapos ang sinend niya pong picture sa akin is yung motorsiklo niya po na naka-open po yung compartment ng motor, tapos yung gamit niya kalat-kalat. Doon po talaga ako nagduda,” saad ng biyuda
“Tapos yung picture niya po is parang roll up lang po ng nakasaradong tindahan. Napaisip ako hindi ganyan yung hitsura ng barangay,” dagdag niya.
Inisip umano niya noong una na baka na-hack ang account ng kaniyang asawa. Hanggang sa umamin ang suspek na hawak niya umano ang biktima.
“Sabi niya hawak niya daw po yung asawa ko, na [sabi niya] ‘magbigay ka sa akin ng limang libo kung gusto mo pang makauwi nang buhay yung asawa mo.’ Sabi ko po talaga, ‘kung talagang hawak mo yung asawa ko, pakita mo siya sa akin, picture, video o kahit yung voice lang na kahit 5 seconds, parang patunayan lang na buhay pa siya, na hawak mo siya.’ Ayaw niya pong ibigay,” sabi pa ng ginang.
Humingi rin umano ng pera ang suspek sa isang kapatid ng biktima na nasa abroad.
Pero bago ipadala ang pera, nakipag-ugnayan ang pamilya sa pulisya at ikinasa ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek sa Tondo, Maynila.
Ayon sa pulisya, nakuha sa suspek ang isang motorsiklo at isang baril na kalibre .45.
Nakakulong na sa Trece Martires Police Custodial Facility ang suspek na walang ibinigay na pahayag at mahaharap sa patong-patong na kaso.
BASAHIN: Kumakayod nang patas na motorcycle taxi rider, patay sa saksak ng kaniyang pasahero
Nitong Martes ng madaling-araw, isang motorcycle taxi rider din ang nasawi matapos siyang saksakin ng ice pick ng kaniyang pasahero sa Caloocan, at tinangay ang kaniyang motorsiklo.
Naaresto ang suspek nang manghablot naman ng cellphone sa Malabon at pinagtulungan siyang bugbugin ng mga tao sa lugar. – FRJ GMA News
