Kinailangang putulan ng daliri ang isang pulis matapos siyang hatawin ng bakal na tubo ng isang lalaki sa loob mismo ng presinto sa Tondo, Maynila. Ang pulis, posibleng maapektuhan ang trabaho bilang pulis dahil sa pinsalang tinamo sa kaniyang index finger.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV footage ang 30-anyos na pulis na si Patrolman Marianeto Gabumpa Jr., na inaalalayan ng kaniyang mga kabaro palabas ng Smoky Mountain PCP hapon nitong Hulyo 14.

Sinabi ng pulisya na pasado 5 a.m. nang madakip nila ang nasabing lalaki matapos siyang ireklamo ng trespassing ng isang tracking company sa lugar.

“‘Yung claim ng guwardiya is nagha-hallucinate. Tapos kung anu-ano raw ang sinasabi, sa pulis lang daw siya susuko. Ang kuwento, bisita ‘yun sa itaas ng bundok, lasing o ano man, nalaglag patungo roon sa area ng binabantayan ng guwardiya,” sabi ni Police Captain Ryan Jay Defeo Balagtas, Smokey Mountain PCP Commander ng MPD-1.

Habang naghihintay sa complainant at kaanak ng lalaki, bigla umano itong nagwala.

Sa isang kuha, makikita pa ang suspek na sinubukang tumakas. Nagtulong-tulong ang ilang pulis para maipasok ulit ang suspek sa presinto.

Pagkadala sa kaniya sa likurang bahagi ng presinto, nakakuha siya ng bakal na tubo at pinalo niya ng ilang beses si Patrolman Gabumpa.

Ilang beses umanong tinamaan ang biktima sa kaniyang ulo at daliri.

Nagtulong-tulong ang tatlong pulis upang tuluyang makuha ang tubo mula sa lalaki.

Nakalabas na ng ospital si Gabumpa ngunit kinailangang putulin ang kaniyang daliri matapos magtamo ng matinding pinsala.

Naputol ang index finger ng patrolman, na ginagamit sa pagkalabit sa gatilyo ng baril.

May posibilidad na maapektuhan na ang trabaho ni Gabumpa bilang pulis dahil sa nangyari.

“Right-handed kasi siya eh… trigger finger ‘yung naputol sa kaniya dito mismo. So kapag pinilit niya ‘yun, hindi na siya magiging effective nu’n. Kasi baka makatama siya ng ibang tao, hindi na siya accurate,” sabi ni Balagtas.

Susubukan nila kung maaaring mag-apply ang biktima ng Total Physical Permanent Disability o TPPD sa NAPOLCOM para makuha nang maaga ang kaniyang pensyon.

Nasa kustodiya ng Raxabago Police Station ang suspek, na mahaharap sa patong-patong na reklamo kasama ang disobedience, trespassing, direct assault at frustrated homicide.

Sinusubukan pa ng GMA News na makuhanan siya ng pahayag, pati na rin ang biktimang pulis. – Jamil Santos/FRJ GMA News