Inihayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na pinalawak ng pamahalaan ang programang United Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) na magbibigay ng pinansyal na tulong sa mga mahihirap na Pilipinong naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng kaguluhan sa Middle East. Kabilang sa mga makikinabang ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Walang Gutom Program, at mga manggagawang maliit ang kita.

Sa isang video message nitong Huwebes, sinabi ng Pangulo na sa pamamagitan ng UPLIFT Assistance, aabot sa 7.5 milyong kabahayan, o humigit-kumulang 37.5 milyong Pilipino sa buong bansa, ang makatatanggap ng tulong-pinansyal mula sa pamahalaan

Partikular na makikinabang sa programa ang 3.5 milyong benepisyado ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program, na matatanggap ng isang beses na karagdagang ayuda na hanggang tig-P2,000.

Palalawakin din ang programa upang maisama ang 2.5 milyong mahihirap at near-poor households o halos mahihirap na pamilya, na natukoy sa pamamagitan ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS).

Bukod dito, makatatanggap din ng tig-P2,000 ayuda kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre ang nasa 1.5 milyong manggagawang mababa ang kita at kanilang mga pamilya, na naberipika ng Social Security System (SSS).

Ayon kay Marcos, pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagpapatupad ng programa, katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan.

“Layunin ng UPLIFT Assistance na mapangalagaan ang kakayahan ng mga pamilyang Pilipino na matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Kasabay nito, pinalawak natin ang saklaw ng tulong upang mas maraming Pilipino ang makinabang sa programa,” ani Marcos.

“Titiyakin ng pamahalaan na maipagkaloob ang tulong na ito nang mabilis, maayos, at mas maginhawa para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng digital na pamamaraan,” dagdag pa niya.

Ang UPLIFT ay isang whole-of-government framework na itinatag noong Marso sa pamamagitan ng Executive Order No. 110. Layunin nitong tugunan ang epekto sa ekonomiya ng krisis sa Gitnang Silangan at ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon pa kay Marcos, patuloy na nararamdaman ng Pilipinas ang epekto ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, na nakakaapekto ng suplay ng langis sa mundo.

“Nakakaapekto ito sa ating ekonomiya at presyo ng mga bilihin. Kapag tumataas ang gastusin, mas bumibigat ang pasanin ng bawat pamilyang nagsisikap tugunan ang kanilang pangangailangan, lalo na ang mga Pilipinong nasa laylayan ng lipunan,” paliwanag ng pangulo.— Giselle Ombay/FRJ GMA News