Isang patay na bagong silang na sanggol ang nakitang palutang-lutang kasama ng mga basura sa isang estero sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nagsagawa ng clean-up drive ang Estero Rangers at mga opisyal ng barangay sa Barangay 228 Huwebes ng umaga nang makita ang labi ng sanggol.
Ayon sa barangay, iniahon nila agad ang sanggol na bagong silang pero wala na itong buhay.
“Taong tao na. Kaya nga nagulat kami. Lalaki. Tingin ko bagong tapon lang,” sabi ni Chairman Boy Cortez ng Barangay 228.
Dagdag ng barangay, hindi pa matukoy kung sino ang posibleng nagtapon sa sanggol dahil walang mga CCTV camera sa bahagi ng estero.
Malaki umano ang posibilidad na nagmula ito sa ilang kalapit barangay at inanod lang sa kanila.
Sinabi ng Abad Santos Police Station, hawak na ng homicide section ang kaso, at patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga barangay para mabilis matukoy kung sino ang responsable sa pagtatapon ng sanggol at kung sino ang mga magulang nito.
Patuloy din ang panawagan ng pulisya sa mga residente sa lugar na ipagbigay-alam sa kanila kung mayroon silang impormasyon kaugnay sa pagkakakilanlan ng nagtapon sa sanggol.—Jamil Santos/FRJ GMA News
