Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na "consummated" ang "betrayal of public trust" nang ihayag ni Vice President Sara Duterte sa publiko na may kinausap na siyang papatay kay Pangulong President Ferdinand Marcos Jr. at dalawang iba pa, kung may masamang mangyayari sa kaniya.
“The betrayal of public trust was already been consummated when she publicly admitted -- there is already an admission — that she contracted a killer, mamamatay-tao or assassin to kill the president,” sabi ni Matibag nang sumalang muli sa Day 9 ng impeachment trial ni Duterte.
“That itself is an admission…Why? Because the oath of the Office of the Vice President, sabi niya she will execute the law and do justice to every man. So kapag nagbalak kang pumatay at ginawa mo ‘yan that is no justice to every man. It’s not execute the law but execute the president ang gusto mong gawin dyan,” dagdag ng opisyal.
Bukod kay Marcos, binanggit din ni Duterte sa nag-viral noon na video na kasama niyang ibinilin sa kaniyang kausap na patayin din sina First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez, kung mamamatay siya.
“'Wag kang mag-alala sa security ko kasi may kinausap na ako na tao. Sinabi ko sa kaniya, 'pag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta, at si Martin Romualdez," sabi ni Duterte sa video na bahagi ng isang virtual press conference noon.
“Nagbilin na ako, Ma’am. ‘Pag namatay ako, wag ka tumigil hanggang hindi mo mapapatay sila. And then he said 'yes,''' patuloy ni Duterte na nagsabi pang "no joke" ang kaniyang naging pahayag.
Sa naturang paglilitis nitong Miyerkules, hiniling sa impeachment court ng kampo ng depensa na alisin sa record ang naturang pahayag ni Matibag pero hindi iyong pinagbigyan.
Tinutulan din ni lead impeachment prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro, ang hirit ng depensa at iginiit na sinagot lamang ni Matibag ang tanong na ibinato sa kanya.
“Ang depensa ang nagtanong kung mapapatunayan na nag-commit ng betrayal of public trust kung sasampahan pa ng impeachment ulit at sinasagot lang ng testigo — consummated na ang betrayal of public trust dahil may kausap ng tao na pumayag na to execute the President,the First Lady, and the House Speaker,” paliwanag ni Luistro.
Sa mga nakaraang pahayag, iginiit ni Duterte na hindi maituturing pagbabanta ang naging pahayag niya laban kina Marcos, First Lady Liza at Romualdez.
"Hindi naman yata mahina 'yung volume noong Zoom press conference. Sinabi ko, 'Kung mamatay ako.' Ibig sabihin in the first place, meron nang threat sa akin. But they simply do not care that I am also concerned about my security because I hear things," ani Duterte sa isang pahayag.
Nahaharap si Duterte sa impeachment trial dahil sa umano'y culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, panunuhol, at iba pang mabibigat na krimen na isinampa laban sa kaniya ng mga kongresista. —FRJ GMA News

