Isang pickup truck ang nadisgrasya nang sumalpok ito sa steel barrier sa Roxas, Isabela. Ang dalawang sakay nito, nasawi.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na tinatahak ng sasakyan ang bahagi ng national highway sa Barangay Lucban nang mawalan ng kontrol ang driver sa manibela ng sasakyan.
Kalaunan, sumalpok ang kotse sa steel barrier at ilang puno bago bumaligtad sa palayan.
Nagtamo rin ng mga sugat ang tatlong iba pang sakay, kasama ang isang bata na pitong-taong-gulang.
Patuloy na sinusubukang kunan ng panig ang mga sugatan, pati ng mga kaanak ng mga nasawing biktima.—Jamil Santos/FRJ GMA News
