Naglabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest laban kina Uswag Ilonggo party-list Rep. James “Jojo” Ang at dating Sultan Kudarat 2nd District Rep. Arnulfo Go, kaugnay sa umano’y maanomalyang paggamit ng pondo tungkol sa flood control projects.
Sinampahan ng Ombudsman si Ang ng 14 na graft cases dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa isang kontratista ng pamahalaan.
Inilabas ng Third Division ng anti-graft court ang warrant dalawang araw lamang matapos kasuhan ng Ombudsman si Ang.
Mayroon umanong interes si Ang sa isang construction firm na nakakuha ng mga kontrata mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagkakahalaga ng P214 milyon. Nakatanggap umano ito ng halos P199 milyon na bayad para habang nanunungkulan siya bilang opisyal sa gobyerno.
Nakasaad sa Konstitusyon at iba pang batas na ipinagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno ang pagkakaroon ng pribadong interes sa mga kontrata ng pamahalaan.
“After a careful review of the resolution and its supporting documents, as well as the records, the court finds that probable cause exists in this case, pursuant to the Rules of Criminal Procedure. Accordingly, let a warrant of arrest be issued against accused James Ang, Jr.,” ayon sa Sandiganbayan.
“Let a Hold Departure Order (HDO) be issued against the accused,” dagdag ng anti-graft court.
Gayunman, maaaring magpiyansa si Ang para sa kasong graft na tig-P30,000 sa bawat “bilang” ng isinampa sa kaniyang asunto.
Sa isang pahayag, itinanggi ni Ang ang mga paratang laban sa kaniya.
“My conscience is clear. I am confident that I will be able to clear my name soon. My resolve for truth to come out is stronger and clearer,” anang kongresista.
“In my three years in public service, I have never used my position in the government for my own interest and to profit in any way. I hold the trust of the Ilonggos strongly, and will never betray the faith of my kasimanwas in me as their representative in Uswag Ilonggo party-list since 2022,” giit niya.
Bukod kay Ang, sinampahan din ng Office of the Ombudsman si dating Sultan Kudarat 2nd District Rep. Arnulfo Go, at tatlo pang iba ng tig-dalawang bilang ng graft at tig-dalawang bilang ng malversation kaugnay rin ng isyu sa mga proyektong flood control noong nakaraang Sabado.
Naglabas din ang Sandiganbayan ng warrant of arrest laban kay Go nitong Lunes, July 27. —FRJ GMA News

