Sa kabila ng ibinibigay sa kanilang proteksyon sa Pilipinas, patuloy pa rin na napapaulat ang pagkamatay ng mga critically endangered na dugong. Bakit kaya ito nangyayari, at may pag-asa pa kaya itong masolusyonan?

Sa nakaraang episode ng “Born To Be Wild,” sinabing napapaulat pa rin ang pagkamatay ng mga dugong gaya ng pagkalunod dahil sumabit sa mga lambat, nakakain ng mga plastic, tinamaan ng propeller ng bangka, at may nakikita na lang na wala nang buhay.

“Noong sinabi sa akin na magdo-document kami ng dugong diyan sa Davao, my expectation of seeing them is kind of low. Kasi these are too wild dugongs,” sabi ni Dr. Nielsen Donato, host ng programa.

Isang supling o isang batang dugong lang ang kayang isilang sa kada tatlo hanggang pitong taon.

Ang mga guro mula sa Southern Philippines Agri-Business and Marine and Aquatic School of Technology (SPAMAST), nakatutok sa pag-aaral at paghahanap ng mag-inang dugong sa karagatan ng Jose Abad Santos, Davao Occidental.

Sa paglangoy ng team ng Born To Be Wild, narating ang isang malawak na seagrass sa lugar.

Gamit ang isang underwater drone, ito ang kauna-unang survey na gagamit ang grupo ng teknolohiya para maidokumento ang marine life na makikita sa kanilang lugar.

Kalaunan, isang mag-inang dugong ang natanaw ng team, ngunit tila hindi ito sanay sa tao.

Napaulat na hindi bababa sa 12 dugong ang naitala sa Malita, Davao Occidental mula 2008 hanggang 2018.

“My research dealt on the population estimate and feeding grounds for dugong. I actually documented 'yung sightings,” sabi ni Dr. Ruth Lucero, Dugong Researcher.

“Ang characteristic kasi ng dugong, coastal species siya. Ang kinakain niya specifically would be 'yung seagrass na makikita lang, usually pa nga dito sa tinatawang nating intertidal zone. Very shallow area ito,” sabi ni Dr. Angel “AA” Yaptinchay, Marine Wildlife Watch of the Philippines.

Sa kabila nito, ilan din ang mga napaulat na pagkamatay ng mga dugong.

Sa Sultan Kudarat, naabutan na lamang ang isang dugong na nakatihaya sa mababaw na bahagi ng dagat.

Sa Sarangani naman, namataan na patay na ang isang dugong. Kahit napag-alamang malusog ang dugong, may nylon string na natagpuan sa loob ng katawan nito.

Sa Roxas, Palawan naman, isa namang dugong ang pinaniniwalaang napuluputan ng fishing gear kaya namatay.

May isa pang dugong ang naabutang naagnas habang nasa buhangin. Agad na inilibing ang dugong dahil sa pangangamoy nito.

Isa pang dugong ang hinihinalang sumabit sa propeller ng bangka at lambat kaya namatay din.

May baga o lungs na tulad ng sa tao ang mga dugong.

“Being mammals, kailangan huminga kasi ng hangin 'yung dugong. So, posible ‘pag napuluputan sila ng lambat, puwede sila malunod. And any development sa coastal area from siltation, erosion, affected 'yung kanilang habitat,” sabi ni Yaptinchay.

“Usually, itong area nito is a forage route lang niya. Kaya dumadaan lang siya. Mostly, 'yung na-check namin with the SPAMAST is mostly 'yung cellophane sa tiyan niya. Meaning to say, one threat for the dugong is pollution and garbage,” sabi ni Forester Magno, PENRO Davao Occidental.

Mailap man ang mga dugong sa Davao, nagpapakita naman ang ilan sa mga ito sa Palawan.

Katulong ang buong komunidad ng Calauit sa pangangalaga at proteksyon ng mga dugong. Itinalaga rin ang ilang bantay-dugong para sa pagdating ng mga bisita.

Kilala ang dugong na si Pingas dahil sa pingas sa kaniyang buntot. Ikinuwento ng ilang bantay-dugong na posibleng sumabit ang buntot nito sa elesi ng bangka kaya ito nagkaroon ng pingas.

Sa panginginain ni Pingas sa seagrass, para rin itong ginugupitan ang damuhan sa ilalim ng dagat. Dahil dito, mas mabilis muling tumubo ang seagrass at mas nagiging malusog ang buong ecosystem.

Kalaunan,, sandaling umahon si Pingas para kumuha ng hangin at ligtas na muling nakababa sa malawak niyang languyan nang hindi nalulunod.

Maliban kay Pingas, sikat din sa lugar na ito si Aban.

Sa 21 dugong na naitala sa Palawan ng Department of Environment and Natural Resources mula 2019 hanggang nitong taon, aabot naman ng 15 dugong ang nasawi, ayon sa DNR.

Dulot ito ng pagsabit sa mga fishing gear, speargun injury at natural na pagkamatay.

Sa ngayon, critically endangered ang estado ng mga dugong sa Pilipinas.

Matatagpuan pa ang dugong sa halos 40 bansa.

Extinct o wala na ito sa Taiwan. Sa China naman, itinuturing itong functionally extinct, habang critically endangered naman ang populasyon nito sa Pilipinas.—FRJ GMA News