Ipapatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) sina Batangas Rep. Leandro Leviste at dating kongresista na si Jing Paras kaugnay ng umano'y planong idiin o siraan si Executive Secretary Ralph Recto gamit ang ilang babae, ayon kay NBI Director Melvin Matibag.
Sa isang press briefing nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Matibag ang umano'y planong modus laban kay Recto.
Ayon sa opisyal, kinausap umano ni Paras sa mga “nasagip” na biktima ng human trafficking na babayaran sila kapalit ng pagbuo ng isang kuwento laban kay Rector at lalagda sa isang affidavit.
Tatanggap umano ng bayad ang mga biktima nang paunti-unti habang umuusad ang kaso. Ang plano, isasagawa matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Pagka napirmahan na nila ang affidavit, magbibigay na ng 30% yata tapos 40% ‘pag na file na, yung other 30% iho-hold habang umaandar ang kaso. May scheme,” sabi ni Matibag sa mga mamamahayag.
Idinagdag ng opisyal na detalyado ang ibinigay na impormasyon ng mga nasagip na biktima tungkol sa kanila dapat na gagawin.
TUGON NINA PARAS AT LEVISTE
Nang hingan ng pahayag, sinabi ni Paras sa GMA News na sasagutin nila sa tamang panahon ang mga maling alegasyon.
"Will let you know and tell all," dagdag ni Paras.
Samantala, sinabi naman ni Leviste na, "Ilang buwan ko nang hindi binabanggit ang pangalan ni VATMan [Recto], kasi pinayuhan ako na hindi siya kailangang siraan dahil sira na siya. Pero huwag niya sanang mamasamain na may mga nagpapadala sa akin ng impormasyon tungkol sa kanya sa leandroleviste@proton.me."
"Please ask ES Recto kung totoo bang nambabae siya sa Rockwell," dagdag ni Leviste.
IPATATAWAG SILA
Ayon kay Matibag, pipirmahan niya ang subpoena para kina Paras at Leviste at maaaring maipadala na sa Sabado.
Inaasahan na haharap sa NBI ang dalawa sa Miyerkoles o Huwebes sa susunod na linggo.
Hawak din umano ng mga awtoridad ang cellphone ng isa sa mga sangkot sa plano na isasailalim sa pagsusuri.
Nakita umano sa cellphone ang mga pag-uusap ng may-ari nito at si Paras. Na-archive na rin umano ng NBI ang laman ng telepono at napatunayang pagmamay-ari ng dating mambabatas ang naturang numero.
Matapos nito, binura pa umano ni Paras ang lahat ng mensahe.
Sinabi rin ni Matibag na iniimbestigahan nila ang posibilidad na hindi lamang si Recto ang target ng planong frameup upang sirain ang reputasyon ng opisyal.
Sa isang ulat ng Saksi, isang biktima ng human trafficking na nailigtas ng mga awtoridad ang nag-akusa kina Paras at Leviste na ginamit siya upang gumawa ng kontrobersiyal na kuwento laban kay Recto.
Ayon sa biktima, ipinakilala siya ng kaniyang manager, at ilan pang babae, kina Leviste at Paras para sa umano'y plano.
Tinuruan umano ni Paras ang biktima kung ano ang dapat sabihin. Nang malaman ng biktima na dadalhin sila sa piskalya, nag-panic umano siya dahil sa pangambang makunan siya ng camera.
May isa pa sanang pagpupulong na itinakda, ngunit hindi na ito dinaluhan ng biktima.–FRJ GMA News

