Iimbestigahan ng Office of the Ombudsman sina Senador Loren Legarda at anak niyang si Batangas Representative Leandro Leviste, kaugnay ng mga reklamong plunder at graft na nagkakahalaga ng P10 bilyon dahil sa umano'y kabiguan ng renewable energy company ng huli na magbigay ng serbisyong solar power alinsunod sa nakasaad sa congressional franchise nito.
Sa isang press conference noong Biyernes, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na, "Talagang nag-suffer tayo dahil sa ginawa. Kinuha nila 'yung exclusive contract ng solar [power contracts]. This is ghost electricity."
"Ipinangako nila, binenta, hindi nila ginawa. Kung may ginawa, kakaunti," dagdag ni Remulla.
Nang tanungin kung paano nasasangkot si Legarda sa reklamo, sinabi ni Remulla na hindi makakakuha si Leviste ng prangkisa noong 2019 kung wala ang tulong ng kanyang ina, na noo'y nagsisilbing chairperson ng Senate finance committee.
Nauna nang naghain ng reklamo ang Department of Energy (DOE) sa Department of Justice (DOJ) laban kay Leviste at sa lima pang opisyal ng Solar Para sa Bayan Corporation (SPBC) dahil sa umano'y paglabag sa Public Service Act.
Ayon sa reklamo, nabigo umano ang kumpanya na magtayo ng mga pasilidad at magbigay ng suplay ng kuryente sa mga kostumer at end users sa mga liblib na lugar, at mga komunidad na walang o kulang ang serbisyo ng kuryente, gaya ng itinakda sa prangkisang ipinagkaloob ng Kongreso sa ilalim ng Republic Act No. 11357 noong 2019.
Sa isang pahayag, sinabi ni Legarda na wala pa siyang natatanggap na komunikasyon mula sa Ombudsman tungkol sa nasabing usapin. Iginiit niyang walang basehan ang alegasyon laban sa kaniya.
“All my public life since 1998, I have always upheld my integrity, which I hold dearly. This allegation is a taint on my person that is totally underserved,” saad niya.
Sinabi ng senadora na nakahanda siyang ilabas ang katotohanan at tiwalang malilinis ang kanilang pangalan.
“We urge the public to be discerning, especially in light of the timing and nature of these allegations. We remain confident that once the facts are laid bare, we will be vindicated and our names cleared,” dagdag ni Legarda.
Hinihintay naman ng GMA News Online ang pahayag ni Leviste tungkol sa naturang usapin. – FRJ GMA News

