Ngayong isa na ring nanay, inihayag ni Maui Taylor na naiintindihan na niya ang kaniyang ina sa paghihigpit nito sa kaniya noon sa showbiz.
Sa kaniyang nakaraang guesting sa “Your Honor!” ikinuwento ni Maui na halos bantay-sarado siya ng ina sa kaniyang mga proyektong ginagawa sa showbiz.
“Ganiyan ako noon. Umiiyak ako. Sabi ko, ‘Ano ba ‘to?’ Sabi ko, itong mommy ko, palaging nakabuntot sa akin. Hindi ko maintindihan siyempre noong bata ako because ang palagi kong iniisip is, ‘Give me the freedom, give me the freedom, give me the freedom to do things on my own. ‘Yung wala ka sa set, hindi kita kasama,’” pagbahagi niya.
Kalaunan, napagtanto ni Maui ang mga kabutihang idinulot ng pagbabantay sa kaniya ng ina nang magkaroon na rin siya ng anak.
“Pero, alam mo ‘yun, ito na lang, 'yung nagka-anak na ako, doon ko na na-appreciate na parang, ah, kung hindi ako binantayan, malamang maaga akong nabuntis or what not. Baka may nangyari,” sabi niya.
“Parang ngayon ko lang talaga nari-realize na, ‘Ah, okay, naiintindihan ko,’” dagdag niya.
Ayon pa kay Maui, mas nauunawaan na niya ngayong nasa katayuan na rin siya ng isang magulang.
“Kasi, siyempre, like, ikaw, mother hen ka (Chariz Solomon) sa boys mo. Mother hen din ako. Sabi nga nila, hindi mo maiintindihan lahat yan hangga’t sa hindi ka nagiging parent yourself,” dagdag niya.—FRJ GMA News
