Isang 14-anyos na Grade 8 student ang nasawi matapos siyang saksakin sa dibdib ng kaklaseng 15-anyos sa loob ng Las Piñas National High School nitong Biyernes ng hapon.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB kay Police Colonel Fermin Armendarez, hepe ng Las Piñas City Police, sinabing nasa kanilang kostudiya ang nanaksak na Child in Conflict with the Law (CICL), at ipapaubaya sa city social welfare dahil sa pagiging menor de edad.
Batay sa nakalap na paunang impormasyon, sinabi ni Armendarez na nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa nang hanapan ng sukli ng CICL ang biktima na naiwan umano ng huli sa canteen.
Bigla na lang umanong bumunot ng balisong ang CICL at sinaksak ang biktima sa dibdib na hindi na umabot nang buhay sa ospital.
Sa ulat naman ni Carlo Mateo sa dzBB, sinabing nangyari ang insidente dakong 3:00 pm habang naka-recess ang klase. Ang mga security guard ng paaralan ang nakaaresto sa CICL.
𝗣𝗔𝗡𝗔𝗡𝗔𝗞𝗦𝗔𝗞 𝗦𝗔 𝗟𝗔𝗦 𝗣𝗜𝗡̃𝗔𝗦 𝗡𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡𝗔𝗟 𝗛𝗜𝗚𝗛 𝗦𝗖𝗛𝗢𝗢𝗟
— DZBB Super Radyo (@dzbb) July 31, 2026
Isang estudyante, patay; isa pa, sugatan sa nangyaring pananaksak sa Las Piñas National High School. | via Carlo Mateo pic.twitter.com/YPnPC3qPrC
Pinauwi na rin ang iba pang mag-aaral dakong 4:00 pm. dahil sa nangyaring karahasan.
Kasunod nito, naglabas ng pahayag ang Las Piñas National High School na nagpahayag ng kalungkutan sa nangyaring karahasan sa kabila umano ng pinahigpit nilang patakaran para sa kaligtasan at seguridad sa eskuwelahan.
Tiniyak nila ang pagkikipagtulungan ng paaralan sa mga awtoridad kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon.
READ: Opisyal na pahayag ng Las Piñas National High School kaugnay sa insidente ng pananaksak sa loob ng paaralan na ikinasawi ng isang estudyante. | via @glenjuego
— DZBB Super Radyo (@dzbb) July 31, 2026
(Source: Las Piñas National High School/FB) pic.twitter.com/TP16qDIiFd
“Habang nasa proseso ng wastong imbestigasyon, hinihiling namin sa publiko na maging maingat at mapanagutan sa paggamit ng social media at iwasan ang pagpapakalat ng mga sensitibo at di-beripikadong impormasyon, larawan o video na maaaring makasagabal sa imbestigasyon at/o makadagdag ng pagdurusa sa mga sangkot at kanilang pamilya,” saad sa pahayag.
“Nanawagan din kami sa mas matibay na ugnayan ng tahanan, paaralan, at komunidad tungo sa paghubog ng mga mag-aaral na may disiplina, paggalang sa kapuwa at pananagutan,” dagdag nito. – FRJ GMA News

