Imbes na mapangiti, napangiwi na lamang ang ilang kababayan matapos mabulok at malagas ang kanilang mga ngipin dahil sa mga ikinabit nila ritong bagsak-presyong DIY veneers.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si Ma. Teresa Del Campo, na taga-Tanjay, Negros Oriental.
Si Teresa, halos hindi na maisara ang kaniyang bibig matapos tumigas ang ibinalot niyang DIY veneers sa kaniyang mga ngipin at gumamit pa ng nipper para matanggal ito.
Bago nito, may napanood siyang ads online tungkol sa veneers na magpapaputi umano sa kaniyang mga ngipin.
“Nakita ko ‘yung ads na pumuti ‘yung mga ngipin niya sa veneer kaya sinubukan kong bumili,” sabi ni Teresa.
Mistulang puting beads ang nabili niyang DIY veneers na lumalambot at nagiging parang clay na puwedeng hulmahin kapag binuhusan ng mainit na tubig.
Pagka lumambot o naging moldable na ang thermoplastic beads, inilagay na ito ni Teresa sa kaniyang bibig at saka hinulma.
“Nasobrahan po ako pala ng paglagay ng veneer. Kumapit po talaga dito sa pinakailalim ng dito (ngipin) ko sa ilalim,” kuwento niya.
Kalaunan, tuluyan nang tumigas ang DIY veneers ni Teresa.
“Hindi mo siya ma-cut sa nipper kasi ‘yung nipper, tatama sa aking bibig. Masakit na siya,” sabi niya.
Unti-unti namang natanggal ang tumigas niyang veneers matapos siyang uminom ng mainit ng tubig.
“Ay huwag na po! Huwag na po talaga. Huwag niyong subukan. Baka magkapareha pa tayo, mabulilyaso ka,” babala ni Teresa sa mga nagbabalak ding gumamit ng DIY veneers.
Babaeng may sungki
Si Jazmen Madraga naman ng Palawan, tipid kung ngumiti sa kaniyang selfies dahil may sungki ang kaniyang ngipin.
“Tuwing umaga paggising ko, ang hapdi ng dila ako dahil sumusugat,” kuwento niya tungkol sa kaniyang ngipin.
Hanggang sa makapanood din si Jazmen ng ad tungkol sa DIY veneers, bumili at sinubukan ito.
Ngunit ang inilagay niyang DIY veneers, kumapal sa kaniyang bibig.
“Hirap huminga, tapos 'yung dila ko halos hindi ko magano’n dahil sa sobrang kapal,” ani Jazmen, na agad tumakbo sa dentista.
“Hindi po maganda 'yung status niya, hirap magsalita. Mahirap po tanggalin 'yung moldable false teeth, kung ano-anong ginamit namin,” sabi ng dentistang si Dra. Vena Lea Kalaw.
Nagsisisi si Jazmen na nag-ugaan ang kaniyang mga ngipin dahil sa inilagay niyang DIY veneers.
“Tatlong ngipin po ang natanggal. Pakiramdam ko 'yung ngipin ko lahat ay rumupok. Sumubok ako ng mura, ‘yun pala, parusa pala 'yung naging [dulot] nu’n sa akin,” ani Jazmen.
Tindera ng barbecue
Si Reysel Bautista naman na taga-Caloocan, dating nagtitinda ng barbecue na araw-araw humaharap sa mga customer. Pero dahil sa sira ng kaniyang ngipin sa harapan, nahihiya siya sa mga ito.
Sa halip na magpa-dentista, tinapalan na lang ito ni Reysel ng nabili niyang DIY veneers na buy one, take one pa sa halagang P65.
“‘Pag may tao sa kalsada, ngingitian ko lang. ‘Bongga, naka-veneers ka!’ Sabi ko, ‘Hindi, DIY lang ‘yan,’” sabi ni Reysel, na hindi na lang nakakangiti, nakakakain na rin ng kaniyang cravings.
Kalaunan, nagsimulang kumirot at humapdi ang kaniyang gilagid matapos bumaon dito ang inilagay niyang DIY veneers.
“Habang nine-nail cutter ko, gumagalaw lahat ng ngipin ko. Pagkahatak ko ng isa, sumama 'yung ngipin ko na buo,” kuwento niya.
Ang mga natira niya namang ngipin, nagsimula na rin umuga.
“Wala na, tubig na lang pumapasok sa bunganga ko. Dila ko ang dami nang singaw, tapos sa gilagid ko,” sabi niya.
Ang kaniya ngayong mga ngipin, halos wala nang natira, nabasag at naputol na ang mga kinapitan ng DIY veneers.
“'Yung kirot at trauma na naranasan ko hanggang ngayon, baon-baon ko. Siguro hanggang mamatay ako, baon-baon ko yun,” sabi niya.
Ayon sa dentistang si Dra. Grace Francesca Smith, hindi na masasalba pero hindi rin puwedeng bunutin agad ang mga ngipin ni Reysel.
Tunay na veneers
Gawa sa porcelain o composite resin ang totoong veneers, na kinu-customize batay sa hugis at kulay ng ngipin. Bukod sa pumuputi itong tignan, natatakpan din ang mga bitak at sira ng ngipin.
Samantala, wala naman sa listahan ng mga aprubadong dental products ng FDA ang mga moldable false teeth o DIY veneers.
“Ang danger ng paggamit ng mga ganitong nabibili lang online ay ang low quality at hindi po natin alam kung ano po 'yung specific material na nasa loob ng mga packaging na gagamitin natin. According sa data natin, ang ating ratio ay 1 to 53,000 Filipino. Sa mga probinsya po, medyo limited po 'yung access nila,” sabi ni Dra. Narisa Ragos, chairman ng Campaign Against Illegal Practice ng Philippine Dental Association.
“Kaya naman sila nag-resort sa DIY dahil takot rin sila gumastos. Technically, mas mura nga naman 'yung DIY. Kung lahat ng Pilipino ay may opportunity na maayos 'yung oral health, I doubt naman na papayag na mag-resort sila doon,” sabi ni Smith.—LDF GMA News
