Nanawagan si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa Kongreso na suriin ang mga batas patungkol sa loose firearms, kabilang na ang "Robin Padilla Law."

Sa pulong balitaan nitong Miyerkoles, nais ni Remulla gawing non-bailable ang mga masasangkot sa pag-iingat ng baril na walang kaukulang dokumento dahil na sa tumaas ang bilang ng krimen na gumamit ng baril ang mga sangkot.

Ipinunto ni Remulla na puro government-owned o government-issued ang mga baril sa dalawang nakaraan na insidente ng pamamaril sa mga eskwelahan.

Bagaman may dokumento ang mga baril o legal, hindi naman pinag-ingatan ng may-ari ang baril upang hindi makuha o magamit ng bata.

"Ang penalty ng paggamit ng legal guns kung kinuha lang ng bata sa magulang o guardian ang penalty ay reckless imprudence lamang. Walang penalty ang may hawak ng baril, ang may-ari baril," ani Remulla.

"Ang penalty sa bata na bumaril ay treated as a juvenile. Isn't the owner of the gun equally responsible?," patuloy niya.

Hiling niya, “I call upon Congress to make laws that make it once again non-bailable, that make it once again preventable,” sabay sa pagsabi na 98 percent ng krimen na may baril ay loose firearms, o walang dokumento.

Inilahad din sa punong balitaan na naipasok ng estudyanteng shooter sa Ateneo de Zamboanga ang mga baril nang sumakay ito sa kotse ng kaniyang ama at hindi dumaan sa security check.

“Ateneo de Zamboanga had 25 security guards, with 15 on duty that morning and 10 on duty that night. The system at Ateneo is that if you enter through the pedestrian gate, your bag is inspected,” sabi ni Remulla.

“The student rode in his father’s car, who drove him to school, so he was no longer subjected to a frisk or security check. Since he arrived by car, he was not inspected. The student proceeded directly, got off at the basement and went straight upstairs,” dagdag niya.

Baril umano ng ama na nagtatrabaho sa Bureau of Customs ang ginamit ng estudyante sa pamamaril. Inalis na sa kanilang puwesto at sinuspinde ang naturang tauhan ng BOC dahil sa ginawa ng kaniyang anak.

Dalawang estudyante ang nasawi sa naturang insidente, kabilang ang shooter na nagbaril sa sarili. Isa pa ang sugatan.

Noong Hunyo, tatlong estudyante naman ang nasawi nang mamaril din sa loob ng isang paaaralan ang dalawang mag-aaral sa Tacloban City.

Pag-aari din ng kanilang kamag-anak ang ginamit na baril ng dalawang menor de edad na estudyante na naaresto matapos ang pamamaril. – FRJ GMA News