Namangha at humanga maging ang Pambansang Bae na si Alden Richards sa mga sexy bikini photo ng kaniyang ka-love team na si Maine Mendoza na naging viral sa social media.
Kasalukuyang nagbabakasyon si Maine sa kaniyang dream destination na Maldives.
Mula sa Maldives, lumabas ang ilang larawan ni Maine na naka-bikini na pinag-usapan ng netizens dahil sa maganda niyang pangangatawan.
Sa "Eat Bulaga" nitong Sabado, hiningan ng reaksyon ni dabarkads Alan K si Alden kung ano ang masasabi nito sa mga larawan ni Maine.
Tugon ng aktor, "Ang masasabi ko lang, talagang ginalingan... May nanalo na, may nanalo na!"
Matapos ang pinagtambalan nina Alden at Maine na Kapuso series na, "Destined To Be Yours," sinabing isang pelikula naman ang nakatakda nilang gawin. -- FRJ, GMA News
