Marami ang kinilig sa much awaited kissing scene ng mga karakter nina Jennylyn Mercardo at Gil Cuerva sa Pinoy-remake na, "My Love From The Star."

Sa episode ng Kapuso primetime series nitong Martes ng gabi, naganap ang matagal nang wish ng fans—ang first kiss nina Steffi Chavez at Matteo Domingo.

Sa eksena, itinigil ni Matteo ang oras at iniligtas ng alien hearthrob si Steffi habang nasa yate.

Habang tila inaantok at wala sa sarili, naging tapat sa kaniyang nadarama si Steffi at biglang hinalikan si Matteo, at inakala ng dalaga na panaginip lang ang lahat.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, inamin ni Gil na siya man ay kinilig sa naturang eksena.

Maraming moments na siyempre kinikilig ako kasi Jennylyn 'yon 'di ba?," ani Gil.

Ang naturang kissing scene ay patikim pa lang daw dahil mas marami pang kilig moments ang aabangan.

"Mas made-develop pa yung relationship ni Steffi at Matteo," ani Gil. "Grateful ako na malakas ang suporta na nanggagaling sa mga fans it is successful because of the fans."

At kung noon nahihiya pa si Gil kay Jennylyn, ngayon daw ay very close na sila.

Bukod sa UFC at mixed martial arts, pareho ring dog lovers sina Gil at Jennylyn. -- FRJ, GMA News