Nagkuwento at game na sinagot nina Miguel Tanfelix at Bianca Umali ang maiinit na tanong ng fans nang sumalang ang magka-love team sa webisode na "Kapuso ArtisTambayan" nitong Huwebes.
Sa naturang ng web chat ng GMANetwork.com, inihayag nina Miguel at Bianca, gumaganap bilang sina Pagaspas at Lawiswis sa "Mulawin vs Ravena," ang ilang pagsubok sa role na kanilang ginagampanan.
Kabilang na rito ang pagsusuot nila ng costume bilang mga taong-ibon dahil may kabigatan umano at mainit ang mga ito. Kailangan din nilang gumamit ng harness sa mga eksenang lumilipad.
"Yung head dress namin, hindi masyadong nakikita 'yung kilay namin. Mahirap mag-express ng emotion 'pag walang kilay," paliwanag ni Miguel tungkol sa pagkuha ng eksena.
Kaugnay sa nakaraang episode na nag-kiss na sina Pagaspas at Lawiswis, sinabi ng dalawa na hindi na nila binilang kung nakailang take ba sila. Basta ginawa na lang daw nila ang kailangan sa eksena.
Nagulat naman ang dalawa nang malaman na pati pala ang mga kasamahan nilang artista ay kinikilig din ang kanilang pagsasama.
Pagdating naman sa mga katangian ng tao na gusto nila, sabi ni Bianca na gusto niya na "corny, gentleman, God fearing and responsible."
Samantalang "malambing" naman ang hinahanap ni Miguel sa isang babae.
Pagdating naman sa kanilang first impression sa isa't-isa, sinabi ni Miguel na, "Dati talaga si Bianca, super taray. Masungit, parang hindi ka papansinin."
Birong sagot naman ni Bianca, "Ayoko lang sa'yo."
Ginaya rin nina Miguel at Bianca sa naturang webisode ang isa't-isa kung paano sila maglambing at magtampo.
Nagkatuwaan pa ang dalawa nang ipalabas ni Bianca ang kuha niya na natutulog si Miguel.
Panoorin ang naturang webisode:
-- FRJ, GMA News
