Kahit kompleto ang 11 senador mula sa kampo ng minorya, hindi pa rin nakapagtrabaho ang Senado nang hindi siputin ng grupo ng mayorya sa pangunguna ni Senate President Alan Peter Cayetano, ang sesyon nitong Lunes.

Nangyari ito matapos arestuhin ng mga awtoridad si Senador Jinggoy Estrada—miyembro ng mayorya--para sa kasong plunder na kinakaharap niya sa Sandiganbayan.

Dumating sa session hall ang mga senador na miyembro ng minorya na pinapangunahan ni Senate Minority leader Tito Sotto, dakong 5:00 pm, ang itinakdang oras ng pagsisimula ng sesyon, ayon sa adjournment nila noong Mayo 26.

Ngunit wala ang grupo ng mayorya.

Una rito, sinamahan ni Cayetano si Estrada na dinala ng mga awtoridad sa Camp Crame matapos arestuhin sa gusali ng Senado sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Sandiganbayan para sa kasong plunder, na inihain ng Office of the Ombudsman laban sa kaniya.

Kaugnay ito sa alegasyon na tumanggap umano si Estrada ng kickback mula sa flood control projects, bagay na mariing itinanggi ng senador.

Ayon kay Estrada, sumuko siya kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla. Pero sa pulong balitaan, sinabi ng kalihim na inaresto ang senador at hindi sumuko.

Ginawa ang pag-aresto kay Estrada sa loob ng gusali ng Senado, sa kabila ng pakiusap ni Cayetano na sa labas ng gusali isilbi ang arrest warrant laban sa kaniyang kasamahan. Gayunman, hindi pumayag si Remulla.

Giit ni Remulla kay Cayetano, nakatakas ang senador na isinailalim sa kaniyang kustodiya, patungkol kay Senador Bato Dela Rosa, na patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.

Mayroong arrest warrant na inilabas ang International Criminal Court laban kay Dela Rosa, dahil sa pagkakadawit niya sa kasong crime against humanity bunga ng partisipasyon niya sa madugong war against drugs ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Sen. Juan Miguel Zubiri, miyembro ng minorya, nagtanong siya sa Senate secretary tungkol sa sesyon at sinabi sa kaniya na walang pasabi ang majority senators kung dadalo sa sesyon.

Naghintay ang minority senators sa plenaryo hanggang 7 p.m.

Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, miyembro ng minority, pag-uusapan ng kanilang grupo ang nangyari.

"Well, 'yun ang pinag-uusapan namin ngayon, but definitely may violation. Hindi pwedeng basta-bastang kina-cancel ang session nang walang abiso sa majority at minority," ani Gatchalian.

"Unang -una, violation of the rules ito dahil hindi naman pwedeng isuspinde at i-cancel ang session na walang consultation with the majority," dagdag niya.

Ayon kay Zubiri, may mga dapat silang talakayin ngayong araw kabilang ang promosyon ng mga magreretirong mga senior military officer, at ang Filipino citizenship ng mga atletang magiging bahagi ng national team.

Sa isang pahayag nitong Lunes ng gabi, hinimok ni Cayetano ang minority bloc na “to uphold the Senate’s independence,” kasunod ng pag-aresto kay Estrada.

“To my colleagues in the Minority: The Senate is a co-equal branch of government. It is not a prize to be claimed by anyone. Events of the past few days may have blurred this distinction, but what happened with one of our colleagues today brings it sharply back into focus,” saad ni Cayetano sa pahayag.

“So I put one question to you, not as the Majority but as the chamber: will you stand for the Senate’s independence?” dagdag niya.

Sinabi pa niya na kinikilala niya ang pagkakaiba ng pamumuno ng mayorya at minorya, ngunit iginiit niyang mga usapin ito na dapat resolbahin ng Senado mismo.

“But no matter our disagreements, we must all agree that it is the Senate’s own business to settle. This chamber answers to God and the people who sent us here, and to no one outside these walls,” giit niya.

Hinikayat din ni Cayetano ang minorya na samahan sila “in resisting allowing partisan politics to dictate the chamber’s direction.”

“The door is open. What you do with it is yours to answer — to this institution, and to the people watching it,” pagtatapos niya.

Para kay Sen. Raffy Tulfo, pinatayan ng aircon at wifi ang mga minority senators.

Iginiit niya sa panayam ng mga mamamahayag na patuloy na papasok ang minorya.

Puna pa niya, may parusa kapag ang mga ordinaryong manggagawa ang hindi sumipot sa kanilang trabaho.

“Kung ang ordinary government employee suspendido, sisante kapag hindi pumasok…Kapag kami, ganun-ganun lang? Kami walang penalty, violation?” saad niya.

“Sana mahiya naman sila. I mean, you are paying us, our salaries. Then you will not come to work?” dagdag niya.– Vince Angelo Ferreras/Lyjah Tiffany Bonzo/FRJGMA News