Bukod kay Jennylyn Mercado, tatlong Kapuso leading ladies na crush niya ang gusto raw makatrabaho ng baguhang si Gil Cuerva ng "My Love From the Star."

Sa artikulo ni Rose Garcia sa PEP.Ph nitong Huwebes, nagpasalamat si Gil sa kabaitan ng kaniyang leading lady na si Jennylyn kahit baguhan siya.

At nang kumustuhan sa kaniya ang aktres, tugon ni Gil, "Okey naman, I guess, I’m just thankful because she really allowed me to be myself around her. That’s all I can ask for being a new actor."

Matapos makapareha si Jennylyn, tinanong si Gil kung sino ang mga Kapuso star na gusto niyang makatrabaho.

Bagaman sa simula ay nag-atubili dahil maraming maganda sa showbiz, binanggit niya ang mga pangalan nina Heart Evangelista, Marian Rivera, at Solenn Heussaff.

Pag-amin ni Gil, "'Yun ang mga crush ko sa showbiz."

At kapag natapos na ang kaniyang unang primetime series na "My Love from the Star," sinabi ni Gil na nais niyang sumalang sa mga acting workshop.

Kabilang si Gil sa mga Kapuso star na kasama sa listahan ng YES! 100 Most Beautiful Stars of 2017.-- FRJ, GMA News