Hindi naiwasang mapaiyak ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera habang nagbabahagi ng kaniyang karanasan bilang breastfeeding mommy sa annual Breastfeeding Week sa UP-Philippine General Hospital.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa "24 Oras" nitong Huwebes, napaluha si Marian habang nagkukwentong tungkol sa hirap na pinagdaanan niya sa exclusive breastfeeding lalo na sa katulad niyang working mom.
Abala ngayon si Marian sa taping ng kaniyang upcoming primetime series, at mayroon din siyang weekly anthology na "Tadhana,", at "Sunday PinaSaya."
Sabi ni Marian, hindi ito naging hadlang para itigil niya ang pag-breastfeed kay baby Zia.
"Kahit nasa taping ako, basta kung kinakailangan kong i-express 'yung kailangan kong ilabas, gagawin ko talaga eh."
Sa PGH ward, hinikayat ni Marian ang mga bagong panganak na nanay na mag-breastfeed ng kani-kanilang mga anak dahil marami itong benepisyo para sa ina at sa kanilang baby.
"Very thankful ako na na-invite ako sa mga ganitong pagkakataon kasi gusto ko 'yung experience ko, ma-share ko 'yun sa mga bagay na, ito 'yung experience ko' na sana eh makapagbigay ng inspirasyon sa kanila," anang aktres.
Nakatanggap si Marian ng certificate of appreciation at isang imahe ng Our Lady of La Leche, patron ng breastfeeding mommies.
Ayon kay Dr. Aurora Gloria Libadia, head ng Human Milk Bank and Lactation Unit ng UP-PGH, taos-puso raw si Marian sa pagbabahagi ng kanyang mga karanasan.
"Selfless niyang binibigay 'yung mga experiences niya, at sinasabi niyang hindi talaga madali ang lahat. Pero at the end, kita mo sa face niya, sa pamilya niya na napakasaya."
Number one supporter ni Marian sa kaniyang breastfeeding journey ang mister na si Dingdong Dantes, na nagcelebrate ng kanyang birthday nitong Miyerkules.
"Ni-celebrate namin with family lang talaga, tapos nagkaroon lang kami ng konting program, nilagyan ko ng program para masaya," anang aktres.
"Sana magdonate sila sa 'Smile Train.' Mas talagang maa-appreciate ko 'yan. Hinihiling ko talaga iyon," hiling ni Marian sa kanyang birthday sa darating na Agosto 12. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
