Sa final week ng hit Kapuso primetime series na "My Love From the Star," asahan daw ang intense at kilig scenes ng mga karakter nina Jennylyn Mercado at Gil Cuerva na sina Steffi at Meteo.
Sa Chika minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, inihayag nina Jennylyn at Gil na mami-miss nila ang mga crew at co-stars pagkatapos ng serye.
Pero dahil sa pagiging busy at intense ang kanilang last taping days, wala raw silang panahon na malungkot pa.
"Ang ginawa namin nagkaroon kami na parang day na puwede kaming magsama-sama, magsaya, ganyan," ayon kay Jen.
"Alam nating lahat na alien si Mateo and 'di siya puwedeng magtagal dito sa earth or else di natin alam kung ano ang mangyayari kay Mateo, mamamatay ba siya or mawawala ayung powers niya," ayon naman kay Gil tungkol sa dapat abangan sa serye.
Pagkatapos ng serye, sasabak si Jennylyn sa shooting ng pagbibidahan niyang pelikula na isasabak sa Metro Manila Film Festival, kung saan makakatambal niyang muli si Derek Ramsay.
Nakakarelate daw si Jennylyn sa kaniyang role sa pelikula na isang romantic comedy.
"Medyo nakakarelate ako dun sa karakter, umiikot siya [istorya] sa dalawang tao na may relasyon na kailan ba dapat magpakasal," kuwento ng aktres.
Si Gil naman, magiging busy muli sa acting workshops pagkatapos ng serye.
Nang tanungin kung ano ang kaniyang next dream role, sinabi ni Gil na nais niyang gumanap na may kapansanan o may mental problem para masubok ang kaniyang kakayahan bilang aktor. -- FRJ, GMA News
