Inihayag ng cast ng "Alyas Robin Hood 2" na may hinanda na agad silang sorpresa sa first day pa lang ng muling nagbabalik na Primetime Kapuso drama-action-comedy series.
"First scene pa lang, nakakagulat na agad. Go na agad. Masasabi mo 'Ay, level up nga talaga agad,'" sabi ni Kapuso sexy actress Andrea Torres, na gaganap bilang Venus, isa sa leading lady ng bidang si Dingdong Dantes.
Ayon sa direktor na si Dominic Zapata, isang daring scene ang gagawin ni Andrea na mapapanood kaagad sa first day ng serye.
"Sabi ko sa inyo, hindi ko pa tapos itong pilot, sobrang mas marami pang pahirap," anang direktor.
Tiniyak naman ng Kapuso Primetime King na mas maiigting pa ang mga eksena sa book 2 ng 'Alyas.'
"Grabeng excitement na magpapalabas pa ng mas maraming episodes pero this time, mas pinaswabe pa ang 'Alyas Robin Hood' part 2," sabi ni Dingdong sa ginanap na press conference sa Quezon City nitong Miyerkules.
Bilang paghahanda sa mga action scene, sinabi ng bagong kasama sa serye na si Solenn Heussaff, na handa siyang mag-aral ng martial arts.
"Alam ko na it's gonna be active, at active na tao naman ako, pero in the future, kapag kailangan ng, halimbawa, may mga stunts na kailangang mong gawin, open talaga ako na mag-aral, kung anong martial art 'yan or anung kailangang gawin para sa role," aniya.
Muling inihayag ni Solenn na masaya siyang makasama ang cast ng "Alyas" na parang isang pamilya.
"It's always exciting to enter a show na maganda na 'yung takbuhan. It's always easier to ride along kasi nabuo na yung family sa first season nila. I'll be the newbie, but I'm gonna learn a lot and excited din ako sa mga action scene kasi alam kong sa 'Alyas Robin Hood,' may comedy, may action, may drama. It's a mix-up everything so it's very refreshing," pahayag ng aktres.
Si Solenn ay gaganap bilang si Iris, isang mayamang 'It' girl na makikilala ni Pepe, na karakter ni Dingdong.
Sinabi naman ni Andrea na marami siyang natutunan sa pagganap niya bilang Venus, kaya napamahal na sa kaniya ang karakter.
"Mahal ko si Venus. Lagi ko ngang sinasabi, favorite ko talaga 'tong role na 'to kasi revelation siya sa akin. Andami ko talagang natutunan. Kasi lagi akong api-api, 'di ba? So ito 'yung talagang, nakakaaliw lang na parang andaming mga learnings talaga," paliwanag niya.
Inamin naman ni Kapuso actor Ruru Madrid na sariling kusa niya ang mga parkour at martial arts training na ginagawa niya.
"Actually, hindi naman nila ako ni-require na 'Mag-ganito ka, mag-ganyan ka.' Gusto ko lang yung tipong pagka sinabi sa akin ni direk na 'Ru, kaya mo bang gawin ito?' 'Opo, kaya ko po 'yan.' Ayoko po yung tipong, 'Naku direk, pa-double ako.' Ayoko po ng ganun eh, so gusto ko lahat ng bagay na ipagawa sa akin ng direktor, magagawa ko," ayon kay Ruru.
Kasama rin sa cast sina multi-awarded TV actress Jaclyn Jose, Gary Estrada, Paolo Contis, Jay Manalo, Rey Abellana, Gio Alvarez, KC Montero, Lindsay de Vera, Dave Bornea, Rob Moya, Antonette Garcia at Luri Nalus.
Magkakaroon din ng special role ang seasoned actor na si Edu Manzano.
Ipalalabas na ang ikalawang aklat ng "Alyas Robin Hood" sa Lunes, Agosto 14.-- FRJ, GMA News

