Bagama't hindi tuwirang inaamin ang tunay nilang relasyon, sinabi naman ni Kapuso star Jake Vargas na "going strong" daw sila ng napapabalita niyang girlfriend na si Inah De Belen.
Sa panayam ng showbiz press kay Jake sa pag-renew ng kanyang contract sa GMA Network nitong Huwebes, inihayag ng aktor na masaya siya sa kanyang love life.
"Okay naman, masaya ang love life. Habang tumatagal, stronger. Patibay nang patibay and masaya kami lagi."
Sinabi ni Jake na mas tumibay daw ang pagkakaibigan nila ni Inah matapos ang GMA telefantasya na Encantadia.
"Yeah. Super naging close kami ni Inah, kasi nando'n 'yong pagiging friends namin sa isa't-isa, 'yung bonding namin."
Ikinuwento rin ng aktor ang pagtatagpo nila ni Janice De Belen, mommy ni Inah.
"Nakilala ko na si Ms. Janice, no'ng one time na pumunta ako sa kanila, tapos kumain kami. E kasi ako, tahimik din naman ako, hindi ako gaanong nagsasalita, tahimik din naman si Ms. Janice, so nagtatanong din siya."
"Okay naman si Ms Janice. Kinakamusta niya ako, tinatanong niya ako kung may show ba ako sa GMA. 'Meron naman po,' [sagot ko]. Minsan, nagluto siya ng food, tapos pinakain niya sa 'min."
Ayon kay Jake, ginagawa niya raw ang pagbisita kina Inah bilang paggalang sa kanyang mga magulang.
"Siyempre respeto rin naman kay Tita."
Nitong Hulyo ay nagdiwang ng kaarawan si Jake. Kwento niya, naipakilala na rin daw niya sa kanyang pamilya si Inah.
"No'ng nagbirthday ako last July. Nag-celebrate kami doon sa Subic. Kasama ko siya, tapos pinakilala ko siya kay papa at sa mga kapatid ko," natatawa niyang sabi.
Nananatiling Kapuso
Nang tanungin kung bakit pinili niyang mag-renew ng contract sa Kapuso network, sumagot ang aktor, "Yung pagtitiwala nila sa akin, ng mga boss. Siyempre, hindi nila ako pinapabayaan sa show. Katulad niyan, [meron akong] 'Pepito Manaloto' at 'Encantadia.'"
Sinabi ni Jake na gusto niya ring subukan ang mga mature action roles.
"Para maiba naman, gusto naman ng action na medyo matured."
"Katulad ng 'Alyas Robin Hood'. Gusto ko ng mga [telefantasya] na may mga action."
Bukod sa pagiging aktor, gusto rin daw paglaanan ni Jake ang kanyang music career.
"Gusto ko pang ma-improve 'yong paggigitara ko and 'yong sa singing, gusto kong i-improve pa 'yong mga skills ko."
Mapapanood si Jake sa "Pepito Manaloto" tuwing Sabado. — AT, GMA News
