Ipinakita ng Kapuso actress na si Kim Domingo ang kaniyang ipinalagay na tattoo sa pulso na nagpapaala umano sa kaniya ng katatagan para harapin ang mga pagsubok na kakaharapin pa sa buhay at maging sa trabaho.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, natiyempuhan si Kim na sumasabak sa matinding training kaugnay sa gagampanang role sa upcoming Kapuso primetime series na "Super Ma'am," na pagbibidahan ni Kapuso primetime queen Marian Rivera.

Sa mahigit na dalawang oras na training umano ni Kim sa aerial yoga, hindi mabilang kung ilang beses na nasambit ng aktres ang katagang masakit at aray.

Bukod sa pakikipaglaban niya sa kanyang vertigo, first time daw na-break in ang kaniyang muscles sa naturang ehersisyo.

Pagkatapos nito, sumabak naman si Kim sa combat training upang masubok ang lakas at masanay ang aktres sa ilang fight scenes.

Kuwento ni Kim, kailangan ang naturang training dahil kasama sa magiging kapangyarihan ng gagampanan niyang role ang paglambitin at husay sa paggamit ng armas.

Kasabay nito, ipinakita rin ni Kim ang kanyang tattoo sa pulso na nakasulat ang katagang "strength."

Ito raw ang nagpapaalala sa kaniya sa tuwing pinanghihinaan ng loob kaugnay sa kaniyang naging katatagan para malampasan ang mga naging pagsubok sa buhay bago marating ang kinalalagyan niya ngayon sa showbiz.

"Kumbaga kahit anong pinagdaanan ko noon nandun yung strength ko na hindi ako sumuko sa buhay," paliwanag niya.

Nilinaw naman ni Kim na masaya siya ngayon at walang pinagdadaanan sa buhay.

Samantala, labis ang saya ni Kim na nakasama siya sa "Super Ma'am" at makatrabaho si Marian.

Para kay Kim, dream come true na makatrabaho niya ang kaniyang idol at malaking bonus ang ituring siya na isang kaibigan. -- FRJ, GMA News