Inihayag ni Kim Domingo na vegan na siya ngayon at ito raw ang kanyang sikreto sa mas glowing niya na balat. Nagpaalala rin ang aktres sa publiko sa kanilang mga kinakain ngayong may banta ng COVID-19.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," sinabing dinala na rin ng Bubble Gang babe sa Instagram ang pagpapasiklab niya sa kusina na may #PatikimNiKim.
Paraan daw ito ni Kim para maka-bonding ang fans habang kumakain.
"Nag-live ako kumakain ako. Mukbang mukbang lang ako dito, nagpa-set up lang ako diyan ng upuan, naglagay ako ng table works, dinala ko 'yung kaldero. Pero vegan ang kinakain ko," kuwento ni Kim.
Dinala na rin ni Kim ang kanyang love for food to the next level.
Tuloy-tuloy pa rin ang pagiging malakas niyang kumain, pero isa na siya ngayong vegan. Ito raw ngayon ang kanyang beauty secret.
"Pansin ko mas nag-glow 'yung balat ko tapos feeling ko ang linis-linis ng katawan ko. Magaan. Tsaka 'yun nga eh, kahit sobrang busog ka na, 'pag puro gulay kasi, hindi bloated, ganoon 'yung feeling eh," anang aktres.
Ipinakita ni Kim ang kanyang paboritong vegan recipe na ginataang sitaw at kalabasa.
"Dapat ngayon, sa panahon ngayon, siyempre meron tayong kalaban na matinding sakit. Ang maipapayo ko sana sa iba, hinihikayat ko sila na kumain ng mga masusustansyang pagkain lalo na sa panahon ngayon na merong COVID-19," paalala ni Kim. —Jamil Santos/LBG, GMA News
