"Thank you Lord, may forever ako."

Ito ang inihayag ni Kapuso comedienne AiAi delas Alas tungkol sa kanyang fiance na si Gerald Sibayan sa nalalapit nilang kasal sa Disyembre.

Sa pocket press conference ni AiAi para sa movie niyang "Bes and the Beshies" sa Quezon City nitong Miyerkules, masayang ibinahagi ni AiAi ang ginawa nilang prenup shoot ni Gerald sa Temple of Leah sa Cebu City, kung saan nagningning siya sa kanyang red gown.

"Masaya tsaka feeling ko, dalaga ako, parang gumanda ako sa prenup. Tsaka nagkukwentuhan kami ng masaya so yung prenup is masaya tignan," aniya.

"Maganda kasi du'n siya sa Temple of Leah ginawa eh. Ang ganda kasi parang lahat beige kaya pumuputok yung red and black. Naka-black si hubby tapos ako naka-red," pagpapatuloy ni AiAi.

Paano naman niya ginawang "at ease" ang fiance niya sa shoot na hindi showbiz personality?

"Sabi ko, 'Kunwari may bayad to 'day kaya umayos ka.' Ayon umayos naman siya," pabirong sabi ng aktres.

Sinabi ni AiAi na three years and eight months na raw sila sa kanilang pagsasama ng kanyang fiance.

Nang tanungin kung tanggap na ito ng mga anak niya, "Oo accepted na, matagal na." —JST, GMA News