Pangarap daw ng dating "Sexbomb" dancer at "Eat Bulaga" dabarkads na si Sugar Mercado na magkaroon ng isang buong pamilya, ngunit hindi ito nangyari nang magkaroon sila ng problema ng ama ng kaniyang mga anak na nauwi pa sa demandahan.
Sa panayam ni Reah Santos sa programang "Tunay Na Buhay," sinabing taong 2007 nang umalis si Sugar sa Kapuso Network at nagtrabaho sa ibang istasyon. Nag-asawa rin siya at nagkaroon ng dalawang anak na sina Olivia and Gabrielle.
Pero noong 2015, naibalita na nagsampa ng kaso si Sugar laban sa kaniyang asawa.
"Violence Against Women. Tapos nabigyan ako ng Protection Order," paliwanag ni Sugar.
Kuwento pa ng dating Sexbomb dancer, tiniis niya rin ang mahirap na sitwasyon para sa mga anak ngunit dumating din ang puntong hindi na talaga niya kaya.
At ang dahilan daw kaya nagpasya siya na makipaghiwalay na:
"'Yung nakikita ko na baka 'pag lumaki 'yung mga anak ko, gayahin nila ako. Kasi sobrang love ko 'yung kids ko. So nagtiis din ako kasi gusto ko nang buong pamilya, pangarap ko 'yon. Hindi ko pinangarap na sira 'yung family ko na bubuuin, pero hindi ko na kaya."
Nawalan din ng trabaho si Sugar kaya para masustentuhan ang dalawang anak, pinasok niya ang iba't-ibang raket tulad ng pagbebenta ng mga damit, sapatos, at sabon.
Kaya malaki ang pasasalamat ni Sugar nang muli siyang magkaroon ng trabaho sa showbiz, at napanood sa GMA shows.
"Okay na muna ako sa kids ko tsaka sa family ko. Natuto na rin ako na hindi sagot 'yung pag-ibig sa guy. Basta masaya ka, masaya ako ngayon," sabi ni Sugar.
"Laban lang, walang susuko dahil habang nabubuhay tayo, may pag-asa," ang aral daw ng buhay ni Sugar.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
