Sinamantala ng ilang Kapuso stars ang Pasko para makasama ang kani-kanilang mga mahal sa buhay.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing bukod sa panahon ng pagbibigayan ang Pasko, panahon din ito para magbalik-tanaw at magpasalamat sa mga biyayang tinamo.
Gaya ni Pauleen Luna na grateful na maikasal sa kaniyang minamahal na si bossing Vic Sotto at nabiyayaan pa sila ng supling na si baby Talitha Maria.
No work on holiday naman daw ang kasunduan ng newlywed na sina Max Collins at Pancho Magno para makasama ang kanilang pamilya.
Ang "Haplos" star na si Thea Tolentino, babawi naman daw sa pamilya ngayong Pasko dahil ilang buwan niyang hindi nakasama ang mga mahal sa buhay sa Laguna dahil sa hectic schedule.
Samantala, wala mang magarbong celebration o malakihang get together, very thankful naman si Jerald Napoles dahil kasama niya ang pinakamamahal na ina ngayong Pasko.
Inaasahan namang mas magulo at masaya ang pagdiriwang ng pasko ng Eigenmann clan dahil sa lumalaki nilang angkan dahil may bagong dating na mga baby.
Naging makabuluhan naman daw ang 2017 kay Lovely Abella sa dami ng proyekto niya this year at hangad niya na magkaroon na ng katahimikan sa kaniyang bayan sa Mindanao.
Ang tumangkad naman ang kuwelang wish ni Aling Maliit na si Ryzza Mae Dizon. -- FRJ, GMA News
