Aminado si Kyline Alcantara na lalo pang kaiinisan ang karakter niyang kontrabida sa "Kambal Karibal" na si Cheska ngayong sumapi na kaniyang katawan ang kaluluwa ni Criselda.
"Si Crisel(da) talaga, ang lalim, sobrang inggit po 'yung nasa katawan niya. Gagamitin niya po 'yung katawan ni Cheska para maghiganti na rin," kuwento ni Kyline sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras."
Si Criselda ay ginagampanan ni Pauline Mendoza, bilang kakambal na pumanaw ni Crisanta, na ginagampanan naman ni Bianca Umali.
Kahit pumanaw na, nanatili ang kaluluwa ni Criselda at ngayon ay sasanib sa katawan ni Cheska para karibalin ng kaniyang kakambal sa pag-ibig ni Diego, na ginagampanan ni Miguel Tanfelix.
"Mahihirapan po talaga si Crisanta, pahihirapan ko po siya. Siyempre sa lahat ng nakapalibot sa kaniya, pahihirapan ko po silang lahat," kuwento ni Kyline.
Kung gabi-gabing kinaiinisan sa "Kambal Karibal" si Kyline, ipinakita naman niya sa tunay na buhay ang kaniyang kabaitan nang makibahagi sa pagahahatid ng kasiyahan sa mga kabataang kinakalinga sa Tanglaw Pag-Asa Youth Rehabilitation Facility sa Malolos, Bulacan.
Nitong weekend, dinalaw ni Kyline kasama ang Kapuso child star na si Seth Dela Cruz at Mr. Teen Bulacan Andrew Cayetano ang mga kabataan sa pasilidad.
Kumanta si Kyline at tumulong din sila nina Seth at Andrew sa pamimigay ng regalo sa mga kinakalingang kabataan.
"Masaya po ako dahil isa po ako sa mga naimbitahan. Alam naman po natin kung ano 'yung mga pinagdaanan nila sa kanilang buhay and 'yun po, sana po napasaya ko naman po sila," sabi ng aktres.
Kasabay nito, isa naman si Kyline sa mga nominado para sa My Super Hero Award, kung saan bibigyan ng parangal ang mga kabataang itinuturing na social media influencer.
"Kahit naman po hindi ganu'n kalaki pa 'yung naaambag ko sa ating youth, at least po, nakaka-influence pa rin po ako ng kabataan, kaya ayun po, sobrang saya ko po dahil na-nominate po ako," pasasalamat niya. --FRJ, GMA News
