Sa pagpanaw ng kilalang fashion designer at nagpasikat ng Filipiniana gown na si Jose "Pitoy" Moreno Jr., nagpahayag ng pakikiramay ang buong fashion industry.

Sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing bumida rin si Pitoy sa ilang mga beauty pageant at fashion shows, at tinangkilik din siya ng mga sikat na personalidad, kabilang ang ilang naging First Lady ng bansa.

Inirampa rin ang kaniyang mga gawa sa Seattle, Washington at New York City sa Amerika, at nai-feature sa ilang kilalang fashion magazine.

Sa kabila ng kaniyang mga nagawa, nagkaroon ng kontrobersiya ang pagsama sa kaniyang pangalan sa mga gagawaran ng National Artist Award noong 2009. May mga tumutol dahil hindi raw kasama ang pangalan niya sa listahan ng National Commission for Culture in the Arts o NCCA.

Gayunman, hindi matatawaran ang naiambag ni Pitoy sa larangan ng sining at buong puso niyang ipinakita ang talento para maipagmalaki sa buong mundo ang galing nga mga Pinoy.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News