Sa panayam ni Rhea Santos sa programang "Tunay Na Buhay," ikinuwento ng Kapuso actress na si Rich Asuncion ang kaniyang mahirap pero masayang buhay sa Bohol bago siya nakapasok sa showbiz.

Ayon kay Rich, na panganay sa apat na magkakapatid, pangingisda ang naging trabaho ng kaniyang mga magulang na madaling araw pa lang ay umaalis na ng kanilang bahay para pumalaot.

"Mahirap kami pero hindi kami malungkot, masaya kami," saad ng aktres na napapanood sa hit Kapuso series na "Ika-6 Na Utos."

Pagdating ng mga magulang mula sa pangingisda, tumutulong daw si Rich sa pag-iikot sa kanilang barangay para ilako o ibenta ang mga nahuling isda.

"Ako, yung kapatid ko, yung mama ko, ilalako namin sa barangay namin. Yung talagang tipong, 'isda! isda!.' Ganun talaga," masaya niyang pagbabalik-alaala.

Pero kahit mahirap, hindi raw pinanghinaan ng loob si Rich. Sa halip, ginamit niya itong inspirasyon para magpursige sa buhay.

Ang isa niyang ginawa, ang mag-aral nang mabuti.

Nakapasa sa mga pagsusulit si Rich kaya nakapasok siya sa Science High School, at sumali sa isang beauty pageant na  kabilang sa premyo ay scholarship sa kolehiyo kung saan siya ang nanalo.

Second year na sa kolehiyo si Rich nang kumatok ang showbiz nang sumali siya sa "Startstruck" kung saan unti-unti nang nagbago ang kanilang buhay.

Panoorin ang buong kuwento ng "Tunay Na Buhay" ni Rich sa video na ito.


 

Click here for more GMA Public Affairs videos:

-- FRJ, GMA News