Pagdating sa pag-ibig, sinasabing "love has no boundaries," kaya naman masaya ang ilang Kapuso stars na natagpuan ang kanilang mamahalin sa labas ng showbiz.
Sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing pinatunayan ng mag-asawang sina Philippine Comedy Queen AiAi delas Alas at Gerald Sibayan na "there's no age limit," dahil halos 30 taon ang agwat ng kanilang edad.
Nagsimula ang pagkakaibigan nina AiAi at Gerald nang magkayayaan silang maglaro sa badminton court. Hindi maipaliwanag ni Gerald ang nararamdaman niya para kay AiAi, kaya kinuha niya ang number nito.
Dinaan pa ni Gerald sa pagpapa-cute sa text ang panliligaw niya. Nauwi ito sa kasalan noong Disyembre 12 noong nakaraang taon.
"Mabait kasi si Gerald. Mabait tsaka nirerespeto niya ako. Tsaka mahilig ako sa sporty talaga eh," sabi ni AiAi.
Naging childhood friends muna sina Valeen Montenegro at ang kaniyang boyfriend na si Selu Lozano, na isang fitness coach. Nagsimula ito dahil naglalaro ng football noon si Valeen at ang ama ni Selu.
Siyam na taon na silang nagsasama ngayon.
"Nag-meet kami ni Selu kasi wala kaming choice kasi neighbors kami, and our family are really close friends also. Nagkaroon na lang din kami ng hilig 'cause his dad plays football and when I was little, I used to play football also," ayon kay Valeen.
Nagkakilala naman sa isang club sina Solenn Heussaff at Argentine businessman Nico Bolzico.
"Super kalog siya. Comedian talaga, as in natural comedian so kung anong nakita niyo sa kaniya on TV or on interviews, ganoon talaga siya sa totoong buhay," sabi ni Solenn.
Sinimulan naman ni GMA reporter Mark Zambrano ang pagkakaibigan nila ni Kapuso singer Aicelle Santos sa pamamagitan ng Instagram direct message.
Matapos ang isang buwan, nag-reply si Aicelle kay Mark. Dito inaya ni Mark si Aicelle sa isang dinner date. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
