Pumanaw na ang dating aktor at anak ni Comedy King Dolphy na si Rolly Quizon sa edad na 59.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing March 4 nang isinugod sa Capitol Medical Center si Rolly matapos bumagsak sa labas ng kanilang bahay.

Simula noon ay hindi na siya nagkamalay hanggang sa pumanaw nitong Huwebes ng hapon dahil sa aneurysm.

Sinabi ng kapatid ni Rolly na si Ronnie, pag-uusapan pa ng pamilya ang detalye tungkol sa burol ng yumaong kapatid.

Kamakailan lang ay pumanaw din ang kapatid sa ama ni Rolly na si Dino Quizon, 45-anyos, na nasa Amerika.

Unang nakilala si Rolly sa sitcom na "John En Marsha" noong 1973 na pinagbidahan nina Dolphy at ni Nida Blanca.

Nakagawa rin siya ng ilang pelikula at nanalo ng best actor award sa 1977 Metro Manila Film Festival para sa pelikulang "Burlesk Queen" na pinagbidahan ni Vilma Santos. -- FRJ, GMA News