Kabilang ang ilang celebrity sa libo-libong Pinoy fans na nanood at naki-jam sa inabangang concert ng British singer-songwriter na si Ed Sheeran.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing sa simula pa lang ay bigay-todo na si Ed sa kaniyang pagtatanghal para sa Manila leg ng kaniyang Divide Concert Tour nitong Linggo ng gabi.
"I'm so excited to be back in the Philippines," sabi ng premyadong mang-aawit sa kaniyang pagbabalik sa bansa.
Noong nakaraang Nobyembre ang orihinal na itinakda ng kaniyang concert Pa pilipinas pero naiurong dahil sa kaniyang injury.
"I've been really, really looking forward to this. The Philippines is a country that has so much passion for music," sabi pa ni Ed na tuwang-tuwa sa magmamahal na ipinadadama sa kaniya ng Pinoy fans.
Bago matapos ang concert, nag-groufie pa ang singer kasama ang mahigit 25,000 fans na nanood sa kaniya.
Ilan lang sa mga celebrity na naki-jamming kay Ed ay sina Gabbi Garcia, Carla Abellana, Tom Rodriguez,"Kambal, Karibal" stars Kyline Alcantara at Jeric Gonzales, Inah De Belen at Jake Vargas, si Ryan Agoncillo kasama ang misis na si Juday at anak na Yohan, at ang buong team Kramer.
Present din ang pamilya Pacquiao at niregaluhan ni Jinkee ng boxing gloves na may pirma ng kaniyang mister na si Senator Manny ang singer.
Ang mga fans hindi nakapasok sa loob ng concert venue, matiyaga pa ring nagpakita ng suporta sa kanilang idol kahit nasa labas lang.-- FRJ, GMA News
