Isang malaking sikreto ang istorya ng inaabangang "Avengers: Infinity War" na maging ang mga kasamang artista ay hindi umano alam buo nitong istorya.

Sa ulat ni Lyn Ching para sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes,  maging si Benedict Cumberbatch na gumaganap na na si "Dr. Strange," hindi batid na hindi tunay na script ng pelikula ang kaniyang nabasa.

Sinabi kasi ni Benedict sa panayam na nabasa niya ang buong script ng istorya dahil nais niyang malaman daw kung ano ang proyekto na kaniyang sasamahan.

"I'm slightly old fashioned. I come from a literary tradition and we're quite script bound as a generalization. So I wanted to know what the hell I was taking part of," sabi ng aktor.

Sabi pa niya, madalas niyang pigilan si Tom Holland na gumaganap na "Spiderman" para hindi madulas na ilabas ang detalye ng pelikula.

Ngunit sinabi ng isa sa mga direktor ng pelikula na si Joe Russo na peke ang mga script na nabasa ng lahat

"They all got fake scripts. Tom Holland especially would come to set and say so what am I doing. And we'd say we can't tell you," anang direktor.

May pagkakataon na hindi rin umano batid ng mga aktor kung sino ang kanilang mga makakalaban sa kukunang eksena.

Tanging siya lang umano, at ilan pang kasama sa produksyon at ilang writers ang nakakaalam ng tunay na istorya ng pelikula na malalaman ng publiko kapag ipinalabas na ito sa mga sinehan sa Abril 25. --FRJ, GMA News