Para sa ikagaganda ng pinagbibidahan niyang afternoon series na "Contessa," sinabi ni Glaiza De Castro na gagawin niya ang lahat.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Glaiza na sumailalim siya sa iba't ibang training tulad ng target shooting at martial arts para mapaghandaan ang kaniyang palabang role na si Contessa.

"Nagsunod-sunod ako ng training before kami mag-taping.  Naa-apply ko ngayon 'yung mga turo sa akin ng coach ko, nai-apply ko 'yung mga tamang suntok, 'yung mga tamang galaw," kuwento ng aktres.

Handa nga raw si Glaiza na gawin ang lahat para sa ikagaganda ng serye tulad ng pagbabago ng kaniyang looks at hairstyle.

"Anything na kailangan for the role gagawin ko talaga if it means sacrificing my hair. Siyempre 'yung totoong personality ilalayo mo talaga. Si Contessa very sophisticated, articulate, lahat 'yon hindi ako," natatawa niyang sabi.

Pagtiyak ni Glaiza, magugustuhan ng mga manonood ang mga susunod na eksena sa "Contessa" ngayong nagsisimula na siyang maghiganti.

"Sobrang invested 'yung mga tao dun sa paghihirap ni Bea, ngayon parang feeling ko makakasabay sila. Kasama sila du'n sa journey, makakasabay sila du'n sa revenge niya kung paano siya bumangon," dagdag niya. -- FRJ, GMA News