Simula sa Miyerkules, Mayo 23, mapapanood na sa mga sinehan ang pinag-uusapang pelikula na "Citizen Jake," na pinamahalaan ng batikan at nagbabalik-direktor na si Mike De Leon. Sa panayam ng "News To Go," ikuwento ng mga aktor na sina Atom Araullo at Teroy Guzman kung bakit napapanahon ang tema ng pelikula.

"It's relevant [because] it touches on things like strongman rule, patriarchy, family, loyalty, corruption, crime related to corruption... and it cuts through classes, how [it affects everyone's lives]," sabi ni Teroy na gumaganap na senador sa pelikula at ama ni Atom, na mapapasok sa masalimuot na sitwasyon.

Sabi pa ni Teroy, magsisilbing panggising ang "Citizen Jake" dahil hindi umano dapat basta kalimutan ng mga Filipino ang nakaraan.

Hinikayat nila ang publiko na panoorin ang pelikula at saka husgahan kung dapat itong purihin o hindi.

"I think maybe some people will like it, some people [will] hate it — this is part of producing something... you know, it's cinema, hindi naman lahat magugustuhan 'yan," sabi ni Atom.

"Pero ang pakay namin — anuman ang tingin niyo sa pelikula — pagkatapos, mag-usap kayo. Pag-isipan niyo. Talakayin niyo, kayo ba ay sumasangayon o hindi?," patuloy niya.

Ayon pa kay Atom, "Ang pinakamalungkot 'yong naiipit ka lang sa nag-uumpugang bato, 'di ba? Na hindi ka pumapanig."

Matapos ang halos dalawang dekada na pamamahinga sa paggawa ng pelikula, balik sa pagdidirek para sa "Citizen Jake" si Direk Mike De Leon, na siyang nasa likod din ng mga makabuluhang pelikula gaya ng "Bayaning 3rd World," "Sister Stella L," "Batch 81" at "Kisapmata" at iba pa. -- FRJ, GMA News