Balik-recording ang beteranang actress-singer na si Sheryl Cruz para sa bago niyang single na gagamitin sa rom-com serye na "My Guitar Princess."

Ayon sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras nitong Miyerkoles, papamagatan ang kantang "Isang Tibok ng Puso" na magiging bahagi ng OST ng nasabing serye.

Kakantahin din niya ito bilang si Adele, ang kaniyang karakter na ina ni Celina na ginagampanan naman ni Julie Anne San Jose.

Pag-aamin ni Sheryl na kumanta noon ng "Mr. Dreamboy," na-miss niya ang pagkanta lalo't 15 years old pa lang siya nang maging certified hit singer.

"Dahil original song siya, malaking pribilehiyo na ginawa ko sa GMA at isa pa na maririnig ng mga nanonood ng My Guitar Princess," sabi ni Sheryl. —Jamil Santos/JST, GMA News