Bago nakapasok sa showbiz ang Kapuso actress-host na si Ashley Rivera, sumikat muna siya bilang si Petra Mahalimuyak sa video blog, na nakilala sa kaniyang kuwelang Filipino accent. Paaano nga ba niya ito sinimulan? Alamin.

Sa programang "Tunay Na Buhay," ikinuwento ni Ashley kay Rhea Santos na nagsimula siyang mag-video blog bilang si Petra Mahalimuyak noong 2012 habang nasa Amerika.

Aniya, ito ang nagsilbing kaniyang "outlet" at libangan niya para hindi mabagot sa States.

At kung noon ay ilang beses siyang na-reject sa audition at talent search, hindi raw inasahan ni Ashley na ang pagiging Petra Mahalimuyak pala ang magiging daan para makapasok siya sa showbiz.

Naging kabila-kabila na umano ang mga alok sa kaniya, kabilang na ang Viva.

Ngayon, napanood na si Ashley sa ilang Kapuso shows at kasama rin siya sa longest-running gag show na "Bubble Gang."

--Jamil Santos/FRJ, GMA News