Bilang isang ama, inihalintulad ng Kapuso actor na si Gardo Versoza ang mga magulang sa pandikit na "epoxy" pagdating sa pagpapalaki at pag-aaruga sa anak.

Sa pagbisita niya sa programang "Mars," napag-usapan kung papaanong klase ng ama si Gardo sa kaniyang apat na taong gulang na anak.

Kuwento ng aktor, noong umpisa ay malapit sa kaniya ang anak pero habang tumatagal ay nagiging mas malapit na ang bata sa ina.

"Nung umpisa kasi daddy's [boy]  tapos parang nung tumatagal sabi ko, 'Parang ako lang 'yan nung bata ako mama's boy,'" saad niya.

Dito na nabanggit ni Gardo na dapat parang epoxy ang pag-aaruga ng mga magulang na mayroong "A" at "B" para mas maging madikit ang pagtanim ng pagmamahal ng ama at ina sa kanilang anak.

Kuwento niya, minsan ay bigla nilang tinanong na mag-asawa ang kanilang anak kung bakit mahal niya ang kaniyang ama at ina.

Sagot umano ng bata, "I love abba, I love ema because we're a family."

"Kinilabutan ako. Wala namang itinuturo sa kaniya [na ganun] so 'yun, napagtanto ko na iba pa rin yung sa epoxy [na] A saka B, iba yung dikit nun sa bata," paliwanag ni Gardo sa paghahalintulad ng kombinasyon ng pagmamahal ng ama at ina na ibibigay sa anak.

Para kay  Gardo, hindi umano maganda ang magiging dikit sa bata sa pagmamahal nang magulang hindi pagsasamahin ang pag-aruga ng ama at ina, tulad sa epoxy na hindi umano magiging madikit kung hindi magsasamahin ang sangkap na 'A' at 'B.'

Kaya naman saludo at bilib ang aktor sa mga single parent na nagagawang tumayo at maging nanay at tatay para sa kanilang mga anak.-- FRJ, GMA News