Kapuso na ang kambal na sina Mavy at Cassy Legaspi matapos na pumirma ng kontrata sa GMA nitong Huwebes. Kasama ng kambal sa contract signing ang kanilang mga magulang na Kapuso rin na sina Zoren Legaspi at Carmina Villaroel.
LOOK: Twins Mavy and Cassy Legaspi are the newest Kapuso pic.twitter.com/dMG5HABUA9
— Jessica Bartolome (@jacbartolome) July 26, 2018
“We would always visit kasi the set of our parents. We were super, super young, I think around four [years old]. Super naaaliw ako sa costumes and stuff,” sabi ni Cassy.
Itinuturing naman ni Mavy na pagbabalik sa tahanan ang pagpirma niya ng kontrata.
“It was actually very nostalgic when we went here the other day... at the end of the day it feels like home talaga, it really does, so it’s like we’re coming back home,” anang binata.
Aminado naman ina ng 17-anyos na kambal na si Carmina na kinakabahan siya ngayong opisyal nang pumasok sa showbiz ang kaniyang mga anak.
“Ninenerbyos ako. Ganito pala yung feeling 'pag nasa behind the cameras tapos yung mga anak mo, sila lang ang nandoon,” ayon sa aktres na siyang kumukuha ng larawan sa kaniyang mag-aama habang pumipirma ng kontrata.
“Of course, I’m happy and really really proud of them,” dagdag niya.
Aminado naman si Zoren na halong lungkot ang kaniyang naramdaman dahil posibleng mabawasan na ang oras na magkakasama silang pamilya kapag nagsimula na ring gumawa ng proyekto ang mga anak.
“Ako may lungkot. Kasi pag naging busy sila, busy ka, busy ako, hindi na tayo magkikita,”sabi niya kay Carmina. “‘Yun yung fear ko hindi tayo magkikita-kita.”
Sinabi ng mag-asawa na matagal nilang pinag-usapan ang pagpasok sa showbiz ng dalawa bagaman gumagawa na rin naman ng commercial sina Mavy at Cassy.— Jessica Bartolome/FRJ, GMA News
