Simple at masayang ipinagdiwang ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes ang kaniyang ika-38 na kaarawan nitong Agosto 2. Excited din ang aktor sa magiging project nila ni Dennis Trillo.
Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing binati si Dingdong ng kaniyang management team, mga katrabaho, mga umiidolo sa kaniya tulad ni Ruru Madrid, at ng kaniyang pamilya.
Sa isang intimate dinner naman nagsalu-salo ang pamilya Dantes kasama si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera at anak nilang si Zia.
"Siyempre maraming trabaho. Medyo lumubos na kami sa bakasyon sa unang bahagi ng taong ito," ani Dingdong.
Nagpasalamat din si Dingdong sa suporta ng mga manonood sa "Amazing Earth," na mga nagbigay din ng magagandang feedback sa weekly infotainment show.
"Nakakatuwa na bukod sa audience, bukod sa mga estudyanteng natututo, ako naman, while shooting it marami rin akong natututunan eh," ayon pa kay Dingdong.
May nakatakda pang gawing pelikula si Dingdong para sa Metro Manila Film Festival at isang bagong show sa Kapuso Network.
"Makakasama ko si Dennis Trillo dito sa susunod na teleserye. Pinatawag na kami para sa isang story conference and excited na akong malaman kung ano ang mangyayari do'n." -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
