Aminado si Kate Valdez na may mga naiinis sa kaniya dahil sa kaniyang role na mataray bilang si Natalie sa Kapuso hit primetime drama seris na "Onanay."

 

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Kate na dapat abangan ng mga sumusubaybay sa "Onanay" ang mga gagawin ni Helena [Cherie Gil] upang hindi malaman ng karakter niyang si Natalie ang tunay na relasyon nila ni Onay [Jo Berry].

Sa mga nakaraang episode kasi, nalaman na ni Natalie na may kaugnayan siya at si Onay, na tinatawag niyang tita.

Nagtataka na rin si Natalie sa mga padalus-dalos na desisyon ni Helena.

Kaya naman daw maging si Kate ay excited din sa mga susunod na mangyayari sa serye. Kasabay nito, flattered din siya sa mga positibong komento sa kaniyang pagiging kontrabidad at may ilan pa nga na nagagalit na sa kaniya.

"Peace po tayo. Wala pong personalan trabaho lang. At least I'm happy effective pala siya," masayang sabi ni Kate.

At kung masungit at matapobre ang pakikitungo ni Natalie kay Onay, sa likod ng camera at sa tunay na buhay, very close na siya kay Onay na para na nga raw niyang pangalawang nanay.

"Nagkukuwentuhan kami about life, tapos yung mga advise niya. Kumbaga siya 'yung topic namin at good vibes lang ang dala niya sa set," sabi ni Kate.

Bukod sa "Onanay," may gagawing pang ibang proyekto si Kate na iba naman daw sa ginagawa niya ngayon bilang kontrabida.

"Wala siyang drama puro ano lang happiness. So iyon at least may pambawi dun sa show ko sa kontrabida and dito makikita 'yung side kong ito," masayang pagbabalitani Kate. -- FRJ, GMA News