Labis ang kasiyahan ng "Onanay" star na si Kate Valdez dahil sa naramdamang sobrang pagmamahal mula sa kaniyang pamilya at mga kaibigan sa kaniyang 18th birthday celebration.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing tinutukan ni Kate ang paghahanda ng kaniyang "under the sea" themed party,  hanggang sa pagdidisenyo kaniyang mermaid inspired gown.

"Kasi gusto niya naiiba. Pero sinabi ko sa kaniya noon, 'Kate, we have to be very careful because 'yung under the sea 'pag na-execute nang mali nagiging mukhang kiddie party,'" kuwento ni Charisse Tinio, ng Nice Print Photography.

Naging parte ng 18 roses dance ang mga Kapuso actor na sina Andre Paras,  Migo Adecer at Ruru Madrid.

"Basta mahalin niya lang 'yung trabaho niya. Mahalin lang niyang 'yung craft niya matutupad niya lahat ng mga pangarap niya," payo ni Ruru.

Ang kaniyang ama na si Edmund ang naging last dance ni Kate at hindi napigilan ng mag-ama na maiyak.

Naging madamdamin naman ang 18 candles portion ng selebrasyon kung saan nagbigay ng mensahe ng ilang kaibigan at katrabaho ni Kate na sina Arra San Agustin, Yna de Belen, Mika Dela Cruz, Mikee Quintos, at Sanya Lopez.

"Since ako ang ate niya, bawal ka muna mag-boyfriend. Mauna muna ako puwede ba? Siguro darating naman ang time na makakahanap ka pero career muna tayo," sabi ni Sanya.

Para kay Kate, hindi niya raw malilimutan ang gabi na binusog siya ng pagmamahal ng mga taong importante para sa kanya.

"Actually hangggang ngayon parang panaginip lang lahat. para akong nakalutang. Nakalutang sa sobrang saya na ang daming tao na nagmamahal sa akin," anang dalaga.-- FRJ, GMA News