Kahit nagkasakit ng bulutong, lalo pang nagpursige at patuloy na lumalaban si Jong Madaliday na kabilang na ngayon sa Top 6 ng Kapuso singing competition na "The Clasher."

Una nang na-eliminate si Jong nang harapin si Lyra Micolob para sa Top 8. Ngunit binigyan siya ng pagkakataon para sa Clashback, at nakipagtunggali at natalo si Kyryll Ugdiman para sa Top 6.

"Medyo okay na po," sabi ni Jong tungkol sa kaniyang pakiramdam sa press conference ng The Clash Top 6 nitong Martes.

"Sa ngayon po naalis na siya pero maraming dumating sa akin. Sipon, ubo, hanggang ngayon sinisipon pa ako," saad niya.

"Siguro part po 'yun ng challenge sa akin, part ng challenge sa buhay. Kasi ang sakit po talaga hindi mo maiiwasan. Parang bala lang 'yan, 'pag tumama na talaga sa 'yo hindi mo na puwedeng ilagan. Ang hirap, as in 'yun 'yung pinakamahirap na nangyari," sabi pa ni Jong.

Nagpapasalamat naman si Jong sa second chance na ibinigay sa kaniya.

"Alam mo 'yung papunta ka na sa gusto mong puntahan tapos biglang na-cut. Masakit sa akin. Pero pinagbigyan pa rin ako ng nasa itaas, parang 'Ipakita mo na ganito, ganiyan.' Napaisip po ako, nilakasan ko na 'yung loob ko na kailangan kong gawin. Binigyan po talaga ako ng chance na makabalik po," pahayag niya.

Aminado ang R&B sensation na kabado siya kung sakaling muli siyang matanggal para sa Top 6.

"Sobrang kinakabahan po talaga ako that time. Hindi ko alam kung ano 'yung iniisip ko. Talagang negative po ako na tao na parang, hindi ko po alam talaga. Parang, 'Sino kaya ang mananalo dito?' Pero kung sino ang mananalo at that time, okay lang po sa akin. Masakit din po pero tatanggapin ko kung 'yan ang result. Ibig sabihin may kulang pa," sabi ni Jong.

Ngayong kasama na sa Top 6, mas iniingatan na ni Jong ang sarili. "Mine-maintain ko lang po vitamins po. Kasi mahina po talaga immune system ko, madali lang po talaga akong magkasakit. Then 'yung tulog, kulang po kami nu'n kaya kailangan po talagang magpahinga. Disiplina lang talaga."

Inihayag ni Jong ang kaniyang natutunan sa pagsali sa "The Clash."

"Confidence po talaga. Then pakinggan mo lang sinasabi ng tao. After naman, kung ayaw nila sa 'yo, eh 'di ayaw nila. Kasi po, ako po hindi po ako pumunta dito para makipagkita [sa mga tao]. Pero gusto ko lang po talagang kumanta. Gusto ko lang po magpasaya, no mat ter what happens, kung malaglag po ako, masakit po talaga sa akin pero kumbaga may gusto po talagang ibibigay si God sa 'yo," paliwanag niya.

Taga-North Cotabato si Jong. Bago sumali sa "The Clash," nagtatrabaho siya at mag-isang naninirahan sa Maynila.

"Sa five months na nandito ako sa Maynila, ni isang tao na nag-aalaga sa akin, wala. May "The Clash", may trabaho ako sa bar, kailangan ko pong magtrabaho para bayaran 'yung bahay na tinitirahan ko sa Ermita," kuwento niya.

Sinagot ni Jong ang tanong kung bakit siya ang dapat maging grand winner ng The Clash.

"For me kung sino po ang dapat manalo, then okay lang po, kahit nasaan man ako. At least po napakita ko kung ano 'yung meron ako. Kahit tatanda ako may makikita ako, 'Uy sumali ako sa contest.' Sobrang hirap po ng buhay namin pero iniisip ko rin po 'yung premyo, pero sa sobrang magagaling, hindi po ako masyadong nag-iisip na mananalo ako kasi masakit po. Gawin ko na lang 'yung makakaya ko. Hanggang sa kaya ko, gagawin ko lahat," ayon kay Jong.-- FRJ, GMA News