Dahil sa upcoming Kapuso series na "Pamilya Roces," natupad daw ang isang pangarap ng batikang aktres na si Elizabeth Oropesa—ang maging komedyante.

Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing maituturing ni Elizabeth na "dream come true" ang role niyang si Violet Balocboc sa light drama at comedy series na "Pamilya Roces."

"Napakahirap pala. It's not easy to make people laugh, as far as I'm concerned it's easier to make people cry. Ito ay isang pangarap na natupad kasi palagi nga akong drama eh. Eh matagal ko ng gustong maging comedian, hindi lang alam ng mga tao na puwede kong gawin," sabi ni Elizabeth.

Sa series, si Violet Balocboc at anak na si Amber [Sophie Albert] ang ikalawang pamilya ni Rodolfo (Roi Vinzon) na bunga ng isang one night stand. Gagamitin ni Violet ang kaniyang anak para makakuha ng kanilang parte sa yaman ng mga Roces.

Tiyak na aabangan ang "Pamilya Roces" na tungkol sa labanan sa pagmamahal, kagandahan, at kayamanan.

Sa media launch pa lang, nagpatalbugan na agad sa kani-kanilang evening wear sina Carla Abellana, na looking classy at elegant sa kaniyang gold embelished gown; Jasmine Curtis-Smith na stunning at very regal sa kaniyang white serpentine gown; Gabbi Garcia na beauty queen feels; Sophie na looking fab at chic; at Shaira Diaz na all pink.

"Maa-identify nila ang sarili nila sa magkakapatid, specially distinct personalities nila. And of course doon nila makikita 'yung, magkakasundo ba itong mga pamilya ito, tatlo silang pamilya, o forever silang magaaway-away dahil hindi nila tanggap ang isat isa," sabi ni Carla.

Kinumusta rin ang cast tungkol sa kanilang relasyon off cam.

"We are very close and we share a lot of stories. Pagka off cam more on chika moments, nagkukuwentuhan kami tungkol sa personal lives, your likes and dislikes," sabi ni Gabbi.

Aabangan din ang labanan at mga pasabog ng tatlong asawa ni Rodolfo.

Si Natalia Austria Roces ang first and legal wife na ginagampanan ni Gloria Diaz; si Violet (Elizabeth) ang ikalawang asawa; at si Lily Renacia na ginampanan ni Ana Roces.

"First wife, second wife, third wife, and they have to sort of get along, they look at each other kung sino mas marami, siyempre the first wife is always more than all," ayon kay Gloria.

Sabi pa ni Gloria, exciting at nakakatawa ang kanilang mga eksena ni Elizabeth, na parang aso't pusa ang relasyon. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News