Iniutos ni National Capital Region Police Office chief Director Guillermo Eleazar na magsagawa ng random drug tests sa mga police station sa Metro Manila.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing ginawa ni Eleazar ang direktiba matapos na mabisto si Police Officer 1 Redentor Bautista, na gumagamit ng cocaine sa loob ng isang club sa Taguig City na may idinadaos na Halloween party.
Mismong ang bouncer umano ng club ang nakahuli kay Bautista na tinitira ng ilegal na droga habang nasa palikuran.
"I'm calling all district directors to conduct random drug tests once again," sabi ni Eleazar.
Kasama ring iniimbestigahan ng pulisya ang umano'y kaugnayan ni Bautista sa high-profile convict na si Jaybee Sebastrian, isa sa mga umano'y drug lord sa loob ng New Bilibid Prison.
"For verification po yung relationship niya kay Jaybee Sebastian. Tama nga po, Jaybee Sebastian, na sinasabi niyang kamag-anak niya. Parang bayaw," ayon kay Taguig PCP-7 commander Chief Inspector Joseph Austria.
Sa report ni Manny Vargas sa Super Radyo's dzBB, sinabing inalis na sa puwesto ang superior ni Bautista na si Chief Police Chief Inspector Manny Israel, hepe ng Manila Police District Station 1.
Kinumpirma umano ni MPD Director Chief Superintendent Rolando Anduyan ang pag-alis kay Israel at itinalagang kapalit niya si Police Inspector Agapito Yadao.
Samantala, naghihinala naman si PNP spokesman Senior Superintendent Benigno Durana na posibleng nakapasok na sa bansa ang Sinaloa Mexican drug cartel matapos mabisto na cocaine ang ginagamit na droga ni Bautista.
"I think this is indicative of the fact that the Sinaloa cartel have probably infiltrated the drug industry in our country that's why the President said we must be relentless and chilling in our campaign, the war on drugs... it's far from over," sabi ni Durana sa panayam ng ANC.
Ang Sinaloa Cartel ay sisang international drug trafficking group na nakabase sa Mexico.
Noong 2016, nabanggit na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang grupo na posibleng aktibo na ang operasyon sa Pilipinas. —FRJ, GMA News
