May mga natatanggap na raw na alok na trabaho ang "Eat Bulaga" scholar na naging topnotcher sa Civil Engineering Board exams.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing proud moment sa "Eat Bulaga" nang parangalan nila ang "E-Best Scholar" nilang si Jaydee Niere Lucero dahil sa pangunguna nito sa may 6,000 pumasa sa 2018 Civil Engineering Board exams.

"Six months nag-review tapos concentration talaga. Solve lang po ako nang solve ng problem. 50-200 kada araw," kuwento niya.

Hindi raw naging hadlang ang kahirapan para magpursige si Jaydee, na mula elementarya ay naging iskolar ng "Eat Bulaga," na sinuklian naman niya ng pagsusumikap at tagumpay.

Naging salutatorian siya sa elementary, valedictorian sa high school, at magna cum laude sa kolehiyo.

Gayunman, naging dagok sa kanilang buhay ang pagpanaw ng kaniyang ama sa sakit na liver cancer noong 2016.

"Ilang days after po siya namatay, nasa isip ko po, lahat ng gagawin ko, lahat ng mga actions ko, iaalay ko sa kaniya," ayon kay Jaydee.

Ngayon, target niya na makapagtrabaho na para mabigyan ng mas maginhawang buhay ang pamilya.

Sabi ni Jaydee, may mga tumatawag na raw na kompanya sa kaniya na nag-aalok ng trabaho.

At dahil malaking bagay sa kaniya ang suporta ng "Eat Bulaga," nais din niyang makatulong sa kapwa.

"Ang ultimate goal ko po talaga, originally is ano, makapag-share ng learnings to other people," sabi ni Jaydee. -- FRJ, GMA News