Bago pa man ang kasal, certified trending sa social media ang ginawang pag-propose ni Boyet kay Aubrey sa afternoon series na "My Special Tatay." Sina Ken Chan at Rita Daniela na gumaganap sa naturang mga karakter, hindi raw inasahan na papatok ang tambalang "BoBrey."
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyekules, binalikan ang nakakikilig na eksena nang alukin ni Boyet ng kasal si Aubrey kahit pa raw "pokpok" o prostitute ang huli.
Ang naturang pag-ibig ni Boyet [na may mild intellectual disability] kay Aubrey ay kinakiligan at pinag-usapan online dahil may hatid na good vibes.
"Hindi namin ine-expect na magki-click 'yung love team eh, na isang kontrabida at isang mabait, nagustuhan ng mga tao," sabi ni Ken.
"Nagulat na lang kami na biglang parang mga tatlo silang tao na nag-tweet, parang may chemistry 'yung dalawa," sabi naman ni Rita.
Sa episode ngayong linggo, natuloy na ang kasal ng dalawa. Pero hindi pa raw ito katapusan ng kuwento dahil lalo pa raw titindi ang mga eksenang magaganap.
"Marami pa. Wala pa po kami sa katapusan kasi nasa gitna pa lang po kami," sabi ni Rita.
"Maraming mangyayari na kahit ako, nu'ng nabasa ko 'yung script, hindi ko in-expect. ayokong sabihin kung ano mangyayari," dagdag naman ni Ken.
Kahit nga kasal na, nagkaroon kaagad ng aberya ang mag-asawa dahil iniwan ni Boyet ang reception ng kasal nila Aubrey para puntahan sa ospital ang kaibigan niyang si Carol. -- FRJ, GMA News
