Inihayag nina Ken Chan at Rita Daniela na mas madalas na silang tawagin ng mga tao sa karakter na ginagampanan nila sa "My Special Tatay" bilang sina Boyet at Aubrey, na may ginawa ring kanta para sa kanilang fans.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi nina Ken at Rita na new year's gift nila sa fans ng tambalang "Bobrey" ang nirekord nilang duet na "Almusal for More Kilig Feels."

Ang naturang awitin ay mapapakinggan na simula sa Martes sa mga himpilan ng radyo ng GMA Network sa buong bansa.

"Itong kanta namin na 'to maraming makaka-relate talaga dito. Simula sa mga tweens, yung mga puppy love, yung mga unang nagmahal, mga crush-crush, ito yun," sabi ni Ken.

Dahil sa sobrang sikat ng kanilang afternoon series, madalas na raw silang tawagin ng mga tao sa kanilang mga karakter bilang si Boyet at Aubrey.

"Hindi na 'ko sanay ng Ken Chan, Boyet na yung tawag sa akin e. So nakakatuwa," sabi ng aktor.

Biro naman ni Rita, "Kapag tinatawag akong Aubrey parang minsan ayokong lumingon baka nandyan si Ate Aubrey Carampel."

Sa pagpapatuloy ng kuwento ng "My Special Tatay," nawawala si Aubrey at dapat daw abangan kung paano siya matatagpuan nina Boyet at kanilang anak na si baby Angelo.

Sabi ng dalawa, sila man ay nagugulat sa mga unexpected twist ng istorya.

"Sinu-surprise din kami ng 'My Special Tatay' team kung anong mangyayari," sabi ni Ken.

Sabi naman ni Rita, relatable ang pa rin ang mangyayari sa mga karakter ng serye na isa umano sa magic ng show dahil may pagkakatulad nito sa tunay na buhay.-- FRJ, GMA News